Una sa Balita

Ipagbunyi ang atletang Pilipino!

0 476

Malugod nating binabati ang tatlong manlalaro ng bansa na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas sa katauhan nina Nhesty Petecio, Carlos Edriel Yulo at John Mark Tokong noong nakalipas na linggo — mga atletang Pinoy na nagpakita ng husay at tapang sa kanilang napiling lara­ngan sa sports na ating ipinagmamalaki sa buong mundo.

Lubos nating ikina­tutuwa ang magkakasunod nilang kampeonato sa gymnastics, boxing at surfing.

Hinahangaan natin si Petecio sa pagkapanalo nito via split decision sa ginanap na 2019 AIBA Women’s World Boxing Championship. Nagpakitang gilas naman si Carlos Edriel Yulo nang kanyang napanalunan ang men’s floor title sa idinaos na World Gymnastics Championships, at buong husay namang sinakyan ni John Mark ‘Marama’ Tokong ang gahiganteng mga alon para masungkit ang kampeonato sa katatapos na 25th Siargao International Surfing Cup.

Sa kani-kaniyang sports, ipinamalas ng mga ito sa mundo ang tatak tapang at malasakit ng atletang Pilipino. ‘Tapang’ upang malagpasan ang hirap sa pagsasanay bago sumabak sa kompetisyon at ‘malasakit’ sa bayan para mapagtagumpayan ang kinakaharap na hamon makapaghatid lamang ng karangalan sa ating bansa.

Muli nilang pinatunayan sa masusugid na tagamasid ng kani-kanilang sports sa buong daigdig na may mga atleta tayong ka­yang-kayang mama­yagpag sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Umaasa tayo na marami pang karangalan, papuri at pagkilala ang maiuuwi ng mga manlalarong Pilipino sa mga sports competition na ginaganap dito at sa ibang bansa.

Malaki ang puwang ng sports sa puso ng ating Pangulo at ma­ging sa inyong lingkod kaya asahan po ninyo na kabilang ito sa binibigyan ng prayoridad ng kasalukuyang administrasyon. Nakahanda rin ang Palasyo na magbigay ng insentibo, maglagak ng suportang pinansyal at mga pasilidad para sa mga atleta, lalong-lalo na sa mga indibidwal na atletang malaki ang potensyal na makapag-uwi ng medalyang ginto sa Pilipinas.

Lingid sa kaalaman ng marami, si Nhesty ay produkto ng Oplan Kamao boxing prog­ram na ating binuo sa Davao noong ang inyong kalihim ay nasa Kongreso pa. Atin itong inilunsad noong mga unang kampeonato ng ating pambansang kamao na si Senador Manny Pacquiao upang maengganyo ang kabataan sa mga kabarangayan na sumali sa boxing. Kabilang din sa mga naging produkto ng programang ito ay ang Moralde bro­thers na nagkaroon ng magandang career sa professional boxing.

Taas-noo nating ipagmalaki ang mga kagaya nina Petecio, Yulo at Tokong na dati’y nangarap lang na magtagumpay ngunit ngayo’y naging kinatawan na ng Pilipinas sa kanilang sinalihang sports.

Tiwala tayo na marami pang masusungkit na medalyang ginto ang mga manlalaro natin lalo pa’t dito gaganapin sa Pilipinas ang 30th Southeast Asian Games na magbubukas sa ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-11 ng Disyembre 2019.

Binabati ko kayo Nhesty Petecio, Carlos Edriel Yulo at John Mark Tokong sa inyong pagkapanalo sa World Championships. Nawa’y maging inspirasyon kayo para sa ating mga kapwa Pilipino. Salamat sa iyong tapang at pagdadala ng ating bandila sa larangan ng sports. Mabuhay ang atletang Pilipino! Congratulations!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy