Una sa Balita

Inutil sa supply at presyo ng bigas

By
0 465

Mainit na usapin ngayon ang kakulangan ng supply at patuloy na pagtaas ng presyo ng palay at bigas.

Nalagay sa hot seat ng Senate hearing ang pamunuan ng National Food Authority (NFA) na umuwing pagkabango-bango sa kasasabon ng mga senador.

Malinaw na kung ano man ang mandato ng NFA, hindi nito naga­gampanan nang maayos ang tungkulin.

Ilang dekada na puro iyon ang ginagawang diskarte ng NFA at taon-taon rin naman ay gano’n pa rin ang naiiwang problema.

Paano sosolusyunan ang problema sa bigas na nagkaugat na sa tagal ng panahong hindi ginalaw?

Bawasan ang pagkaganid sa ‘kita’. Malinaw na matindi ang corruption sa loob ng NFA. ‘Pag nagbigay ng pahintulot na umangkat ng bigas, may kaakibat na proseso sa dokumento at pag-isyu ng lisensya.

Diyan nagkakaroon ng pagkakataon para sa kotong. ‘Di rin natin alam kung nakokolekta ba nang tama ang buwis na dapat bayaran sa gobyerno.

Samantalang nagre­reklamo ang lahat sa kakulangan sa supply at mahal na presyo ng bigas, na sa halip na solusyunan ng NFA ay ginatungan pa nila mismo sa pamamagitan ng pananakot na nagdulot ng panic sa marami, heto ang naturang ahensiya na patuloy na lumolobo ang utang.

Ano ba ang pangunahing mandate, mission at vision ng NFA? Siguruhin na sapat at patuloy ang supply at presyo ng bigas at iba pang produktong butil; at pangalagaan ang kapakanan ng magsasaka sa pangangalakal ng kanilang ani.

Sa mga pahayag ng NFA, walang sapat na supply ng bigas, mataas ang presyo nito at kulang, kung hindi man lugi, ang mga magsasaka. Taliwas lahat sa ibinigay na tungkulin nila.

Idagdag pa natin ang palaki nang palaki ang utang ng NFA na sa hu­ling ulat ng Department of Finance ay umabot na sa P152 bilyon. Kanino ba kukunin ang pambayad sa utang na ‘yan? Sa bulsa rin nating mga taxpayers.

Kung hindi nagagawa nang tama ang trabahong ibinigay sa iyo, ano ang dapat na itawag sa iyo? Inutil ang tawag namin diyan.