Una sa Balita

Inspirasyon ka Tiger

0 280

Labing-isang (11) taon. Pero para kay Tiger Woods, parang habambuhay ang nagdaan bago nakuha ng panibagong Majors title sa kanyang professional golf career.

Huling nagkampeon sa isang Majors event ang 43-anyos na ngayong si Woods taong 2008 sa US Open.

Kasunod na nito ang mga kontrobersiyang kinasangkutan niya sa personal na buhay na nakaapekto nang napakalaki sa kanyang karera.

Idagdag pa ang ilang operasyon sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na nakaapekto rin sa kanyang performance bilang golfer.

Pero kahapon, tinapos na ni Woods ang 11-year drought sa Majors title nang magkampeon sa 2019 Masters, panglima sa torneo at kabuuang 15th sa Majors.

Bakit big deal ito sa marami, kabilang na ang inyong lingkod?

Sa simpleng taong gaya ko, o ng mga Pinoy, lahat tayo ay dumadaan sa mga pagsubok sa ating buhay.

Ang iba, ginugupo ng mga pagsubok. ‘Yung iba nagdodroga, sinisira ang sarili, meron pang ilan na nagpapakamatay.

Sa mga pinagdaanan ni Woods, sa mga kapalpakan niya sa buhay, sa kanyang pagiging adik sa babae noon na nagresulta sa pakikipaghiwalay ng kanyang dating asawa na si Elen Norgedgren, at pag-atras ng mga major sponsors niya, malamang na sumuko na rin siya sa buhay kung sa ibang atleta ito nangyari.

Pero si Woods, nagsimula ulit sa iba­ba hanggang unti-unting umahon at nakakuha ng ika-15 Majors title.

Nawa’y magsilbing inspirasyon ito hindi lamang sa mga atleta kundi para sa mga pangkaraniwang tao.

Gaano man kasaklap ang buhay, magsisi sa mga kasalanan, ituwid ang buhay, magpursige at manatili ang pananampalataya sa Panginoong Diyos, tiyak na makakabalik tayo sa tugatog ng tagumpay.

Congratulations ­Tiger Woods!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy