Una sa Balita

INP Champ: Patuloy ang laban, patuloy ang inspirasyon

0 430

Sa panahon ng tumitin­ding awayan sa pagitan ng mga kababayan na­ting magkakasalungat ang paniniwala sa politika, relihiyon, at moralidad, mahalagang may napagkukunan tayo ng magandang balita para may paghugutan tayo ng inspirasyong magpatuloy. Ito ang puno’t dulo ng Is­torya ng Pag-asa (INP).

Maliban sa Angat Buhay program ni VP Leni Robredo, itinutulak din namin sa Office of the Vice President ang pagkalat ng mga kuwentong nakapagbibigay ng good news para mabago ang usapang kalimitan ay puro awayan sa telebisyon, pahayagan, pati na sa social media.

Tinatawag naming INP champion ang mga ordinaryong Pilipinong nakikilala namin na may taglay na kakaibang kuwento ng tagumpay sa buhay. Isa na dito sa Renesa Palonpon.

Isa si Renesa sa mga INP champs natin mula Ateneo de Manila University. Nakakuwentuhan namin siya noong nakaraang buwan nang bumisita siya sa radio show ni VP Leni tuwing Linggo na kilala bilang Biserbisyong Leni.

Ayon sa kuwento niya, nagsimula ang lahat sa prog­ramang Tulong Dunong (TD) ng ilang mga paaralan sa Katipunan ka­tulad ng Miriam at Ateneo de Manila. Isa siya sa mga estudyanteng nadadalaw ng mga TD volunteers at doon niya nabuo ang pa­ngarap na makapag-aral sa Ateneo.

“Dream school ko po ang Ateneo,” kuwento ni Renesa. “Kasi noong ele­mentary pa lang po, iyong Tulong Dunong kasi iyong supported nila, for example, na schools tatlo lang kasi: Miriam, St. Scho—for girls—tapos Ateneo for boys kasi all-boys pa noon. Tapos doon ko lang nakilala iyong Ateneo, doon sa Tulong Dunong. Tapos nalaman ko kasi na parang sobrang alaga nila sa scholars.”

Hirap man sa buhay, nagpursigi si Renesa at naghanap ng paraan para makamit niya ang pa­ngarap na makapag-aral sa isang pribadong paaralan. Hindi siya tumigil hanggang nakakita ng pagkakataong makapasok sa Ateneo. Sa parehong programa kung saan niya nakilala ang eskuwelahan siya nakakita ng paraan.

Isang hakbang ang scholarship para makapag-aral sa Ateneo si Renesa, pero dahil sa kahirapan sa buhay, marami pa siyang kinailangang haraping mga problema. “Akala nga po ng marami nga, na kapag naging scholar ka okay na, smooth-sailing ka na from then on,” kuwento niya.

“Pero hindi po kasi. Parang, magkano ba baon ko noon? Singkuwenta lang, for example, tapos pamasahe lang iyon. So lahat ng iba, for example, baon, kailangan magbabaon na lang ako ng pagkain, eh ang mahal mahal sa cafe­teria ng mga school ‘di ba po? Tapos iyong mga projects din, tapos iyong mga extra na kailangan bayaran, halimbawa, kapag grou­pings, ganoon. So iyon po iyong mabigat para sa mga magulang ko noong high school.”

Sa pagpupursigi ni Renesa at ng kanyang mga magulang, buo ang suporta ng estudyante sa kanyang pag-aaral at ngayon ay patuloy na siya sa kolehiyo at kumukuha ng AB European Studies.

Inspirasyon ni Renesa ang kanyang ina sa pagpupursigi niya sa kanyang pag-aaral at sa pagharap sa mga pagsubok sa kanyang buhay.

“Sa akin po gusto ko pong kumuha mula sa kung ano iyong naturo sa akin ng nanay ko kasi iyong nanay ko po talaga iyong nag-push, as in gumawa ng lahat—moved mountains, crossed seas—para makarating ako sa puntong ito, na huwag po tayong susuko at maging mapursige—magpursige po tayo at maging ma-diskarte. Kasi iyong nanay ko, wala siyang trabaho dati pero talagang naghanap siya ng kung ano mang puwedeng pagkakitaan para maitawid iyong dalawang anak na mag-aaral tapos iyong isa, private school pa. Tapos hindi po talaga magi­ging madali iyong journey, marami pong failures.”

Isa lang ang kuwento ni Renesa sa madaming INP champs na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga kababayan na­ting nangangailangan ng paghuhugutan ng lakas ng loob at pag-asa. Maliban sa pag-guest nila tuwing Linggo sa Biserbisyong Leni ng RMN, mayroon din ta­yong INP Film Fest (INPFF) kung saan mapapanood natin ang mga kuwento ng kanilang buhay.

Sa kasalukuyan, may bago nang batch ng mga INPFF short films na ni­rereview para sa ikalawang INPFF. Dito, makikita natin hindi lang ang husay ng mga baguhang Pilipinong filmmakers, kung hindi maririnig din natin ang mga kuwento ng inspirasyon ng mga ordinaryong Pilipino at ang tagumpay na nakamit nila na bunga ng pagsisikap at pag-asa.

Dahil katulad ng kuwento ng INP champ natin na si Renesa, kaila­ngan nating paulit-ulit na marinig na mahirap man ang buhay at marami mang pagsubok, kayang-kaya natin lampasan ang mga ito basta’t gagawin natin lahat ng ating makakaya at hindi tayo mawawalan ng pag-asa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy