Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Inodoro sa NAIA hindi pinatawad ng kawatan

0 117

Pinaiimbestigahan na ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagnanakaw ng mga flush valve sa comfort room ng Terminal 1 at 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa report, sinira at tinangay ng hindi pa nakikilalang mga kawatan ang dalawang flush valve sa CR ng mga babae sa Terminal 1 at anim pang flush valve sa Terminal 2 ng paliparan.

Posibleng sinasalisihan umano ng mga tirador ang mga janitress sa gabi o madaling-araw kung kailan kaunti o madalang ang gumagamit ng toilet.

Dahil sa pagkawala ng mga flush valve sa mga CR sa NAIA, nagbabara ang mga inodoro at bumabaho ang mga palikuran.

Dahil sa tawag ng kalikasan, tinitiis na lang umano ng mga gumagamit ng CR ang barado at mabahong amoy sa palikuran.

Nabatid na nagkakahalaga ng mahigit sa P5,000 kada isa ang flush valve sa mga CR sa NAIA kaya mabilis itong mabibili sa mga junk shop dahil sa mataas nitong kalidad.

Samantala, wala naman umanong natanggap na report ang Airport Police Department (APD) sa nangyaring nakawan. (Otto Osorio)

Leave A Reply

Your email address will not be published.