Una sa Balita

Inner lane: Ginhawa ng traysikel drayber

0 150

Napanood ko kamakailan lang sa telebisyon ang video­ ng isang unit ng Partas bus na lumusot sa kanan o outer­most lane sa highway para lamang maunahan ang sinusundang traysikel na nasa inner lane sa isang highway sa Northern Luzon.

Parang gulat na gulat, nagtaka at natakot ang kumuha ng video dahil sa kanyang tingin, napakadelikado ang ginawa ng driver ng bus na paglusot sa kanan at hindi man lamang nahintay na tumabi ang traysikel upang mapagbigyan siya.

Nakita rin sa video ang pagsunod ng iba pang sasakyan sa ginawa ng Partas bus.

Para sa mga sanay na sanay nang magmaneho sa malayuan, kagaya ng driver ng Partas bus, hindi na nakakapagtakang makita nilang halos naka-steady sa inner lane ang mga traysikel na sinusundan, lalo na kapag puno ang mga ito.

Siguradong sigurado sila na hindi lilipat ang mga ito sa outer right lane kahit pa ilawan o kaya ay businahan ng dire-diretso, ang dahilan?

Mabigat­ kasi imaneho ang traysikel at sa pakiramdam ng drayber ng mga ito, mas ligtas sila sa semplang o aksidente kung nasa inner lane nakapuwesto.

Ang tingin kasi nila sa outer right lane ay reserbang lane lamang na pupuntahan kapag bababa ang pasahero o kaya naman ay magsasakay, pag-arangkada, balik na ulit sila sa inner lane.

Bakit nga ba mabigat imaneho at me paling sa kanan­ ang mga traysikel?
Tatlo ang gulong at ang kumakayod ay ang nasa hulihan sa kaliwa kaya natural lamang na maghatid ito ng puwersa sa direksiyon ng pakanan, wala kasing babalanse na gulong sa unahan sa kanan.

Mas marami ang sakay, mas hirap ang driver, hindi nga lamang halata dahil aakalain ng mga nakakakita na okey lamang ito sa kanila, pero sa mga nakakaalam, ang pagtagilid o pagkurba ng kanilang katawan ay isang indikasyon na iniinda nila ang pagmamaneho.

Kung babaligtarin ang sitwasyon at sa kaliwang bahagi ng motor ikakabit ang sidecar, baka-sakaling manatili na sila sa outer most right lane dahil malilipat sa kabila ang ang bigat na nagdudulot ng paling.

Ang mga nabanggit po ay naging bahagi rin ng aking­ karanasan noong panahon ng kabataan ko bilang isang dating traysikel driver na pumapasada sa aming bayan­ tuwing araw ng Sabado at Linggo.
Ayos ba?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy