Inmate todas sa init

By

Patay ang isang detainee makaraang hindi maka­yanan ang labis na init ng panahon sa loob ng bilangguan sa Manila Police District (MPD).

Binawian ng buhay sa Justice Jose Abad Santos Memo­rial Hospital sa Binondo ang bilanggong si Ricardo Yanguas, 51-anyos, walang hanapbuhay at residente ng 1652 Yuseco St., Sta. Cruz, dakong ala-una ng hapon.

Sa report ni Det. Jonathan Bautista, ng MPD-Homicide Section, lumilitaw na naaresto si Yanguas noong Hunyo 10, 2017 dahil sa pag-iingat ng ipinagbabawal na droga kasama ang apat na iba pang suspek.

Ayon sa kanyang kinakasamang si Elizabeth Soriano, bago nakulong si Yanguas ay dati na itong dumaranas ng sakit na asthma.

Lumala naman umano ang sakit nito dahil sa labis na init ng panahon na dinanas sa loob ng siksikang piitan ng MPD-Station 3.

Alas-6:38 ng gabi ng Hunyo 17, 2017 ay isinugod pa ito sa pagamutan matapos na dumaing ng hirap sa paghinga ngunit kinabukasan ng hapon ay binawian din ng buhay bunsod ng respiratory failure na dulot ng pneumonia at bronchial asthma.

SHARE