Una sa Balita

Iniwan ng ina para bumili ng tinapay 3 magkakapatid na bata natupok sa Pasig

By
0 1,088

Tatlong magkakapatid na pawang mga bata ang nilamon ng apoy makarang masunog ang kanilang bahay nang iwan ng kanilang ina para bumili ng pandesal, kahapon ng umaga sa Pasig City.

Nagsimula ang sunog sa bahay ng pamil­ya Navidas sa 117 San Isidro St., Centennial 2, Nagpayong 2, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City bandang alas-6:27 ng umaga. Umalis umano ang inang si April Navidas, 28-anyos ng kanilang bahay habang nakasalang ang pinakukuluang tubig at bumili ng pandesal.

Nagulat na lamang ito nang nakitang nagtatakbuhan na ang mga kapitbahay dahil sa pagliyab ng sunog at pagbalik niya ng kanilang lugar ay nakitang nagliliyab na ang kanilang bahay.

Wala nang nagawa pa si April para maisalba pa ang mga anak dahil halos natupok na ng apoy ang kanilang bahay at inawat na lamang siya ng mga kapitbahay na pumasok sa loob.

Nasawi ang mga anak nito na may edad 7, 4 at 2.

Nagresponde sa sunog ang Pasig Bureau of Fire Protection at iba pang fire volunteers hanggang sa ideklarang fireout bandang alas-6:53 ng umaga na tumupok ng dalawang kabahayan habang iniimbestigahan pa ang damage sa naganap na sunog.

Ayon kay SFO4 Eduardo Rosales, natagpuan ang sunog na bangkay ng tatlong bata na magkakayakap sa loob ng kanilang kuwarto.

Iniimbestigahan ng pulisya kung maaa­ring kasuhan ang inang si April sa pagkamatay ng kanyang mga anak.