Una sa Balita

INIT TITINDI PA!

By
0 167

Malapit nang sumagad sa “maximum danger level” ang heat index na nararanasan sa Pilipinas kaya naman kahapon ay nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko na humanda sa titindi pang init sa mga susunod na araw.

Ang babala ay iniha­yag kahapon ng PAGASA sa kabila ng naunang ulat ng Project Noah na unti-unti nang humihina ang El Niño phenomenon.

Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng umabot sa 40 degrees celsius ang maitalang heat index o ang init na nararamdaman ng katawan.

Ayon sa PAGASA, hindi lamang tao ang nakararanas ng matin­ding stress dulot ng tag-init kundi maging ang mga halaman at hayop.

Dahil dito, sinabi ng PAGASA na malaki ang tsansa ng paglaganap ng mga peste at sakit dahil sa kakulangan sa supply ng tubig dulot ng El Niño.

Magugunitang naitala ang 52.2ºC na heat index sa Cabanatuan, Nueva Ecija na siyang pinakamataas ngayong summer season.

Magkasunod na araw na naitala sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang pinakamainit na heat index sa bansa ngayong taon.

Noong Martes, naitala ang 52.3ºC na temperatura sa nabanggit na lungsod at nilagpasan nito ang naitala na 51ºC noong Lunes.

Sa Clark airport sa Pampanga, naitala ang 51.9 degrees celsius, samantalang 50.2ºC naman sa Sangley point sa Cavite City, ayon sa PAGASA.

Sa Metro Manila, ang heat index kamakalawa ay 46ºC at inaasahang nasa 38.3ºC ngayong araw.

Paliwanag ng PAGASA, bagama’t ang temperatura ng hangin sa mga nabanggit na lugar ay naglaro mula 34ºC hanggang 37ºC lang, ang sinasabing relative humidity ay nagdagdag ng 15ºC sa heat index.

Ang 41ºC bilang minimum at 54ºC bilang maximum ay itinuturing nang ‘danger level’ at sa oras na ito ay tumaas pa, ito ay nasa ‘extreme danger’ na at posible na ang heat stroke.

Samantala, nanawagan ng sama-samang panalangin para sa ulan ang isang obispo para masolusyunan ang ma­tinding epekto ng El Niño phenomenon na umiiral sa Pilipinas sa kasalukuyan.

Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Prin­cesa Palawan Bishop P­edro Arigo, ipinanala­ngin nito sa Maykapal ang kapatawaran ng mga tao dahil sa pagsira sa kalikasan.

Humingi rin ito ng gabay mula sa Panginoon upang maitama ang lahat ng pagkakamali ng tao at sama-samang mapanumbalik ang balanseng kalikasan. (With Noel Abuel)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy