Una sa Balita

Inflation pumalo sa 5.7%; pagmahal ng bigas, soft drinks sinisi

By
0 110

PATULOY pa ring sumi­sirit ang inflation rate, o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na naitala sa 5.7% nitong Hulyo.

Mas mataas ang inflation kaysa sa mga ina­asahan ng mga analyst pero pasok ito sa estimate ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 5.1% hanggang 5.8%.

Sinisi ng Philippine Statistics Authority ang pagtaas ng inflation sa pagtaas ng presyo ng pagkain tulad ng bigas at ng mga non-alcoholic beverage.

Ayon kay Bank of Philippine Islands chief economist Emilio Neri Jr., malaking bagay ang pagsipa ng presyo ng petrolyo sa world market.

Sabi niya, kahit nasa P53 ang katumbas ng bawat isang dolyar, ang depreciation ng piso ay nasa 2.8% pa lang. “Global oil price surge is massive in 2018,” aniya.

Ang 5.7% inflation rate marahil ang pinakamataas na naitala sa halos siyam na taon. Nagpalit ng base-year ang PSA nitong Pebrero at hindi pa nito nilalabas ang rebasing ng inflation pagkatapos ng 2013.

Ang inflation nu’ng June na 5.2% ayon sa 2012 base year ay 5.1% kung titingnan sa dating 2006 na base year. Ang inflation nu’ng 2009 ay nag-umpisa sa 7.1% pero bumaba ito sa 1.7% nu’ng August 2009.

Sabi ng PSA, tumaas ang presyo ng lahat ng pagkain maliban na lang sa mais at prutas.