Una sa Balita

Industriya ng manufacturing, buhayin!

0 355

Bukod po sa magagandang trabaho sa business process outsourcing o BPO industry, marami rin pong trabahong naghihintay sa sektor ng manufacturing.

Ayon sa DOLE, 8.5% ng kabuuang alokasyon ng trabaho sa bansa ang nasa manufacturing kung saan in demand ang mga manufacturing laborer, sales person, service engineer at production machine operator.

Isa po sa ‘Top 20 Job Vacancies’ sa PhilJobNet ang factory worker. Halos 10,000 trabaho naman po ang inaalok ng JobsStreet ngayong linggo para sa mga production worker.

Sa ilalim po ng prog­ramang ‘Trabaho, Negosyo at Kabuhayan’ ng gobyerno, tinatayang 2.2 milyong trabaho ang malilikha sa manufacturing sector lalo na po sa electronics, food processing, automotive, chemicals, iron and steel at garments hanggang taong 2022.

Prayoridad po ng mga employer ang mga aplikanteng may kritikal na pag-iisip, mahusay maki­pagtalastasan, bukas sa pagsasanay lalo na po para sa ‘upskilling’ (pag-aangat ng kasanayan) o ‘cross skilling’ (pagsasanay sa iba’t ibang larangan) at marunong sa paggamit ng teknolohiya.

Kailangan po ang natu­rang mga katangian lalo na po sa mga ‘smart factory’ o pagawaang digitized at automated. Halimbawa po nito ang Schneider Electric Philippines sa PEZA Rosario Cavite na isa sa mga kauna-unahang ‘smart factory’ sa bansa.

Sa ngayon, tatlong planta po ng Schneider ang gumagamit ng ‘Ecostruxure’ o Internet of Things (IoT) sa kanilang mga pagawaan. Dahil dito, tumaas po sa 14% ang produksyon ng kompanya dahil sa pag-shift sa smart factory.

Nagresulta rin po ito sa ‘upskilling’ at ‘cross skilling’ ng 2,200 manggagawa ng Schneider para tiyaking makakasabay sila sa paggamit ng advanced technology sa kanilang mga planta.

Natutuwa po tayo dahil bukod sa napababang production costs, hindi rin po nakapagtala ang kompanya ng anumang aksidente sa kanilang mga pagawaan sa loob ng 12 taon na maituturing na isang best practice sa Occupational Safety and Health Standards o OSHS, isa po sa mga batas (RA 11058) na isinulong natin sa Senado.

Patuloy po ang paglago ng manufacturing sector sa bansa bunsod ng mala­king pamumuhunan dito na umabot po sa P409 bilyon noong 2018 mula sa P96 bilyon lang noong 2017.

Naniniwala po tayo na ang pagbuhay at pagpapasigla sa manufacturing sector sa bansa ay magbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.

Job Fair Schedule:

Northestern College Job Fair — NC Gymnasium, Villasis, Santiago City — April 15

LGU-Baungon Job Fair — Brgy. Imbatug, Bau­ngon, Bukidnon — April 15-16

Makilala Institute of Science and Technology/LGU-Makilala Job Fair — Poblacion, Makilala, Cotabato — April 16

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy