Una sa Balita

Indian Warrior nakapanood ng bakbakan

0 338

NANOOD muna ng bakbakan bago pinaremate ni star jockey Jonatahan B. Hernandez si Indian Warrior upang sikwatin ang panalo sa PHILRACOM RBHS na pinasibat sa last race kamakalawa ng gabi sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.

Malayong pang­limang puwesto umalis sa largahan ang winning horse na si Indian Warrior habang kumaripas sa unahan sina top favorite WoolooWooloo at Magnificent Seven.

Pinilit makuha ni WoolooWooloo ang unahan pero kumapit nang todo si Magnificent Seven kaya naman pinanood lang sila ni former Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey-of-the-Year Hernandez at hindi muna nito binitawan si Indian Warrior.

“Nakita ko ayaw magbigayan sa unahan sina WoolooWooloo at Magnificent Seven kaya puwesto lang ako ng maganda, sa rektahan ko na pinakawalan si Indian Warrior para siguradong hindi kami kakapusin,” kuwento ni Hernandez.

Sa huling 200 metro, kitang-kita na lalampas si Indian Warrior at makukuha ang panalo sa 1,400-meter race.

Tatlong kabayo ang agwat ni Indian Warrior sa sumegundong si Magnificent Seven pagtawid ng meta, tumersero si Bwana Miss. 

Nakatanggap ang owner ni Indian Warrior ng karagdagang P50,000 sa kanyang premyo mula kay Mayor Sandy Javier. (Elech Dawa)