Una sa Balita

Indian, inambus ng tandem

By
0 1

Isang Indian National ang nasawi makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem criminals habang lulan ang biktima ng kanyang sasakyan sa Quezon City kamakalawa.

Sa report ng Quezon City Police District Station 10, nakilala ang nasawing biktima na si Gurdev Singh, 67, tubong Punjab India, at residente sa No. 1097 Salvador St., Jordan Plains Subdivision, Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Regino Sta. Ane III, ng PS-10, nangyari ang insidente alas-4:45 ng hapon sa ­Panay Avenue kanto ng Sct. Borromeo, harap ng Bank of the Philippine Island, Brgy. South Triangle.

Sakay ang biktima ng kanyang Isuzu Crosswind (ZSE-825) nang biglang sumulpot ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo at sinabayan ang biktima mula sa driver side at saka pinagbabaril ng armadong backrider bago mabilis na nagsipagtakas habang ang biktima ay naiwanang nakasub­sob at duguan sa loob ng kanyang sasakyan na nagtamo ng bala sa panga at dibdib.

Agad namang nires­pondehan ng mga Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Brgy. South Triangle at isinugod ang biktima sa Capitol Medical Center subalit dakong alas-sais ng gabi ay tuluyan din itong binawian ng buhay.

Patuloy parin ang im­bestigasyon ng mga awtoridad upang malaman kung ano ang motibo at kung sino ang may kagagawan ng krimen.