Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Inday Sara ‘di sisipot sa huling SONA

0 24

Hindi makadadalo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa huling State of the Nation Address (SONA) ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26, 2021.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagpaabot na ng abiso si Mayor Sara na hindi ito makakarating sa huling SONA ng kanyang ama.

Wala namang ibinigay na dagdag na detalye si Roque kung bakit hindi makadadalo ang presidential daughter sa SONA ng pangulo.

“Nagsabi na si Mayor Sara na hindi siya makakarating pero inaasahan natin na kung sino ‘yong nakarating last year ay makakarating din po,” ani Roque.

Tiniyak naman ng kalihim na karamihan sa mga miyembro ng gabinete ay makadadalo sa Lunes, Hulyo 26.

Sa pagkakaalam ani Roque ay pinadalhan ng imbitasyon ang Office of the Vice President at mga dating presidente pero wala pang kumpirmasyon kung makadadalo rin ang mga ito dahil karamihan sa mga dating pangulo ay mga senior citizen at delikado sa banta ng COVID-19.

“Ang alam ko ang bise presidente ay binigyan ng imbitasyon ng Kamara. Hindi po Malacañang ang nagpapadala ng imbitasyon. Wala pa po akong kumpirmas­yon kung makakarating ‘yong ibang past presidents dahil alam naman natin puro seniors na ‘yong ating past presidents,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.