Una sa Balita

In the Name of Love

0 552

Unang labas

Nanlaki ang mga mata ng pitong taong gulang na batang babae na si Jenica nang makita ang papabagsak na kahoy mula sa ginagawang gusali ng bahay ampunan.

Mabilis niyang nilundag ang ginang na matatamaan sana nito, mabuti na lang at timing lang ang paglundag niya at naiiwas niya ito. Sabay silang bumagsak ng ginang sa lupa. Hindi makapaniwala ang mga nakakita na sina Mr. Louie Cabrera at dalawang madre na kausap nila sa harapan ng main office ng bahay ampunan. Agad dinaluhan ni Louie ang asawa. Tinulungan niya itong makatayo pati ang bata.

“Ineng, salamat, anong pa­ngalan mo?” si Mrs. Elaine Cabrera.

“Ako po si Jenica…”

Bumaling si Elaine sa asawa.

“Hon, puwede bang siya na lang?”

“Sige hon, kakausapin ko si Sister Paloma.”

Kinabahan si Jenica sa naging usapan ng mag-asawa. Sa pagkakaintindi niya ay tila siya na ang nais ampunin ng mga ito. Pero nanalangin siya na sana ay hindi. Ayaw niya kasing mapahiwalay sa mga batang kaibigan niya doon at itinuring na niyang mga kapatid.

Ayon kay Sister Paloma, tatlong taong gulang pa lang daw siya nang mapunta siya sa bahay ampunan dahil sa pagka­ulila niya sa mga tunay na magulang nang sabay na mamatay ang mga ito sa isang aksidente. Walang kamag-anak ang kumupkop sa kanya kaya ang mga madre na lang ang tumayong mga magulang niya at ang mga bata roon ang naging kapatid niya. Sila na ang naging pamilya niya.

Pero hindi nagkamali ng hinala si Jenica, dahil pagkaalis ng mag-asawa ay agad siyang kinausap ni Sister Paloma sa opisina nito.

Related Posts

“Jen, anak magandang balita ito para sa‘yo…nakaka­lungkot man na mawawalay ka sa amin pero ito ang makakabuti para sa kinabukasan mo…kapag naayos na nina Mr. and Mrs. Cabrera ang mga dokumentong kailangan, ikaw na ang magiging anak nila…”

Hindi sumagot ang bata, sa halip ay luha sa mga mata ang naging tugon nito. Pinahid ng madre ang luhang iyon.

“Oh don’t cry, kahit anong mangyari nandito pa rin kami para sa‘yo at palagi ka naming ipagdarasal…” niyakap ni Sister Paloma ang bata.

Ayon kay Sister Paloma ay maraming na-invest na paupahan sa iba’t ibang lugar ang mag-asawa na aampon sa kanya kaya naman nakatitiyak sila na magiging maganda ang kinabukasan niya sa piling ng mga ito.

Habang nasa bahay ampunan pa ay sinusulit ni Jenica ang mga araw niya sa piling ng mga kaibigang sina Rachel at Dominic na pawang mga kaedad niya at si Cielo na apat na taong gulang pa lang.

Tumulong sila sa pa-feeding ng mga madre sa harap lang ng bahay ampunan. Dinaluhan iyon ng mga batang taga-squatter’s area at naki-join din bilang guest si Mayor Beneton Alonzo. Kasama nito ang kaisa-isang anak na si Brian, pitong taong gulang din.

Napatingin si Dominic sa magandang kotseng laruan na hawak ni Brian. Napasimangot naman ang huli nang makita ang tingin ng kapwa bata sa laruan niya kaya tumayo siya at ibinato kay Dominic ang kotse-kotsehan. Nagulat si Jenica nang makita iyon kaya nilapitan niya si Brian at kinausap ito.

“Ikaw, bakit mo binato ang kaibigan ko? Hindi mo ba alam na masama ‘yon?”

“Wala kang pakialam!” sabay tulak ni Brian kay Jenica, dahilan para matumba ito.

Nilapitan sila ng mga madre. Tinulungan ni Dominic na makatayo si Jenica.

“Jenica, sige na lumayo na kayo ni Dominic,” anang isang madre na inakay naman si Brian pabalik kay mayor.