Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

In aid of legislation nga ba?

0 20

Kasunod ng report ng Commission on Audit o CoA sa ibat-ibang ahensya ng pamahalaan ang kaliwat-kanang imbestigasyon ng Senado at Kamara…sa kabila ng pandemya.

Katwiran ng mga kagalang-galang na mambabatas mga Kabalitaktakan: “in aid of legislation” ang kanilang hakbang.
Anila, layunin ng serye ng pagdinig at imbestigasyon na matumbok kung sino o sinu-sino ang responsable sa sinasabing “katiwalian”…mga Kabalitaktakan.

Subalit, hindi pa man lubos na lumalalim ang naturang mga imbestigasyon ng dalawang Kapulungan…dumipensa na agad ang pamahalaan.

Mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nauna nang nagsabing galit siya sa kurapsyon ang siya ring unang “umalma” sa ginawang “flagging” ng CoA.

Partikular na “binanatan” ni Pangulong Duterte mga Kabalitaktakan ang “CoA report” sa tanggapan ng Department of Health o DoH.

Dumating pa sa puntong galit na sinabi ni Pangulong Duterte na huwag basta-basta paniwalaan ang naturang ulat ng CoA…bagama’t nakasaad doon ang bilyun-bilyong pisong “un-spent” na pondo para sa Covid-19.

Sa isang pagdinig naman na dinaluhan ni Health Secretary Francisco Duque III, emosyonal na sinabi ng kalihim na “winarak” sila ng “CoA report”…mga Kabalitaktakan.

At tulad ng inaasahan, umani ng ibat-ibang reaksyon ang naturang pahayag ni Secretary Duque mula sa mamamayan…partikular sa hanay ng mga health worker na patuloy na napagkakaitan ng kanilang benepisyo.

Hindi naman nagpatinag ang CoA maging sa galit ni Pangulong Duterte at sa halip, nanindigang ginagawa lamang nila ang kanilang mandato…kasunod ang paglalabas ng resulta ng kanilang pagsusuri sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Subalit sa kabila nito mga Kabalitaktakan, may mga duda o di sang-ayon sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa nabunyag na sinasabing “korapsyon”.

Anila, may posibilidad na maging “in aid of election” ang naturang hakbang ng mga Mambabatas…lalu pa’t malapit na ang susunod na halalan.

Nangangamba ang ilang grupo at indibidwal na samantalahin ng mga mambabatas ang mga pagdinig o imbestigasyon para sa kanilang pansariling interes, partikular na yung mga kakandidato sa 2022 election.

May mga nagsasabi rin mga Kabalitaktakan na hindi ang Senado at Kamara ang tamang “venue” para suriin o imbestigahan ang “CoA report” bunsod ng pangambang wala rin itong patunguhan.

Duda rin maging si Pangulong Duterte sa tunay na motibo ng mga mambabatas sa isinasagawang imbestigasyon ng mga ito…mga Kabalitaktakan.

Giit ng presidente: gagamitin lang ng mga mambabatas ang imbestigasyon para sa kani-kanilang sariling interes o pagpapa-“pogi” para sa nalalapit na halalan…kaya’t dapat nang itigil ang pagsisiyasat.

Depensa naman ng mga Senador at Kongresista mga Kabalitaktakan, mandato nila na imbestigahan ang nabubunyag na posibleng kurapsyon lalu na kung pera mula sa buwis ng mamamayan ang nawawaldas.

Paalala pa ng mga mambabatas kay Pangulong Duterte mga Kabalitaktakan, wala sa kapangyarihan ng presidente na hadlangan o pigilan ang pag-i-imbestiga ng dalawang Kapulungan.

Kung kayo ang tatanungin mga Kabalitaktakan: “in aid of legislation” ba o “in aid of election” ang ginagawa ng mga mambabatas?

Hanggang dito na lang muna mga Kabalitaktakan at iisipin ko pang mabuti ang sagot ko sa tanong na yan!!!

Leave A Reply

Your email address will not be published.