Una sa Balita

Imported car pumapatay sa motor industry ng ‘Pinas

0 632

Mahigit 1.1 mil­yong mga kotse at light commercial vehicle ang inangkat nang ligal sa Pilipinas mula 2014 hanggang September 2019.

Ayon sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), 778,847 units ng passenger vehicle ang inangkat at dumaan sa Bureau of Customs sa loob ng limang taon at 147,131 units naman ang mga light commercial vehicle.

Inireklamo ng Philippine Metalworkers Alliance (PMA) ang pagbaha ng mga imported na sasakyan sa bansa na siyang pumapatay sa motor vehicle industry ng bansa. Ang PMA ay binubuo ng 37 unyon ng mga manggagawa na nasa car company at car parts maker.

Sa pag-aaral ng DTI, Nakita nitong paliit na nang paliit ang market share ng mga sasakyang dito ginagawa sa bansa kumpara sa inaangkat. Noong 2014, 43 sa bawat 100 na nabentang sasakyan ay dito ginawa sa bansa. Bumaba ito sa 39 noong 2015 at sa 33 noong 2016. Pagdating ng 2018, 26 na lamang sa bawat 100 binentang sasakyan sa bansa ay dito ginawa.

Dahil dito, unti-unti na ring nawawalan ng trabaho ang mga tao. Noong 2014, nasa 1,186 ang empleyado ng manufacturer ng mga motor vehicle sa bansa. Umakyat pa ito sa 1,915 noong 2016 at sa 2,309 noong 2017. Pagpasok ng 2018, 1,901 na lang ang trabaho sa industriya at nabawasan pa ito ng 41% noong 2019 nang maging 1,112 na lang ang empleyado ng mga vehicle manufacturer sa bansa.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, may sapat na ebidensiya na nagsasabing napipilay na ng mga import ang domestic industry kaya’t naglabas na ang DTI ng notice of initiation of a preliminary safeguards investigation. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More