Una sa Balita

Import permit sa sibuyas bulto

By
0 2

CABANATUAN CITY — Muling idinaing ng mga negosyante ng sibuyas sa Nueva Ecija ang sangkatutak na ina­prubahang import permit ng Bureau of Plant Industry (BPI) at nagsagawa ng pagpuna sa malin­g impormasyon at datos ng Provincial Agriculture Office (PAO) sa lalawigan.

Ayon kay Engr. Israel C. Reguyal, chairman ng Local Onion Growers for National Economic­ and Trade Cooperative (LOGNETC), kanilang nakumpirma noong Huwebes sa tanggapan BPI-OIC Vivencio Mamaril na uma­bot sa 1,796 import permits ang naaprubahan.

“Sa 50,000 tonelada na lang kada permit, tala­gang babaha ng imported na sibuyas hanggang anihin sa Abril ang mga itatanim pa lang ngayon”, ani Reguyal.

Pinuna ni Reguyal ang pahayag ni Serafin Santos, PAO ng Nueva Ecija na ang army worms ang dahilan ng shortage umano ng suplay at 1,500 ektarya lang ang tinatamnan ng sibuyas sa lalawigan.

Ayon kay Reguyal noon pang Pebrero hanggang Abril ang problema sa army worms at umani naman sila kahit papano at nakapag-stock pa sa mga cold storage at umaabot umano sa 9,200 ektarya ang tinatamnan.

“Ang daing namin ang sobrang imported kaya kahit palugi sa pagkaka­bili namin sa P45 per kilo ay ibi­nebenta namin nga­yon na palugi huwag lang masa­yang” ani Reguyal.

Aabot pa umano sa 270,000 sako ng lokal na sibuyas ang nanganganib na mabulok kapag tuluyang hindi maibenta dahil sa dagsang imported.