Una sa Balita

Implementasyon ng K-12 palpak — Win

0 595

MAYORYA ng mga Pilipino ay hindi kuntento sa programang Kindergarten to 12 o K-12, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ito’y batay aniya sa lumabas sa isang Pulse Asia survey para suriin ang pananaw ng taumba­yan sa naturang programa.

Sa naturang survey, nasa 47 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi kuntento sa K-12.

Naitala naman sa 38 porsi­yento ang nagsasabing kuntento sila, at 13 porsiyento ang hindi sigurado kung kuntento nga ba sila o hindi.
Sa mga nagsabing hindi sila kuntento sa programa, 78 porsiyento naman ang nagsasabing dagdag gastos ang karagdagang dalawang taon sa high school.

Noong isinabatas ang K-12 taong 2013 ay ipinangako ng programa na madaling magkakaroon ng trabaho ang mga makakatapos ng senior high school.

Ngunit ayon sa isang survey ng JobStreet noong 2018 sa 500 kompanya, nasa 24 porsiyento lamang ang handang tumanggap sa mga nagtapos ng K-12.
“Kung susuriin natin ang opinyong ito ng taong-bayan, makikita natin na hindi natutupad ng K-12 ang pangako nito. Ngunit hindi ang mismong programa ng K-12 ang may problema kundi ang pagpapatupad nito, kaya naman mahalagang mabigyan natin ng pansin ang mga repormang kinakailangan upang maiangat natin ang kalidad ng ating edukasyon,” paha­yag ni Gatchalian, na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sabi pa nito, ang pagreporma sa curriculum ang pinakamabilis na hakbang upang ayusin ang programang K-12.

Dahil sa dami ng kailangang pag-aralan sa ilalim ng curriculum, kulang na ang panahon ng mga guro at mag-aaral upang lubos na maunawaan ang kanilang mga aralin.

Ayon pa kay Gatchalian, kailangan ding tutukan ang kakayahan ng mga guro. Ibinahagi ni Gatchalian ang naging karanasan ng mga guro, kung saan hindi sila nabibigyan ng sapat na training para sa K-12. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More