Una sa Balita

Impeksyon sa ihi o UTI

0 871

By Doc Willie Ong

Maraming kababaihan ang may UTI o Urinary Track Infection. Ang impeksyon ay nanggagaling sa pantog (bladder) at daanan ng ihi (urethra).

Ang pangkaraniwang dahilan ng UTI ay kakulangan sa iniinom na tubig, mali ang paghuhugas sa puwerta (vagina) at laging nagpipigil ng ihi.

Ano ba ang mga sintomas ng UTI? May mga taong walang nararamdaman. Ang iba naman ay may pananakit sa bandang pantog, lalo na sa dulo ng ihi. Parang mahapdi ang pakiramdam kapag lumalabas ang ihi. Madilaw ang may amoy din ang ihi.

Madaling malaman kung ikaw ay may UTI. Magpa-check-up lang ng urinalysis. Mura lang ito. Kung positibo ka sa UTI, dapat itong gamutin.
Ano ang gamutan sa UTI?

1. Uminom ng anti­biotic sa loob ng tatlong araw. Ang pinakamura ay ang Amoxicillin 500 mg na tableta. Halagang P5-P10 lang ang generic nito. Kapag hindi gumaling sa Amoxicillin, binibigyan ng doktor ng mas matapang na gamot tulad ng Ciproflaxon 500 mg na tablet tatlong beses maghapon.

2. Uminom ng walo hanggang 12 basong tubig sa isang araw. Kailangan mong uminom ng maraming tubig para mabawasan ang bacteria sa ihi.
Paano iiwas sa UTI?

1. Tulad ng nabanggit, uminom ng walo hanggang 12 basong tubig sa maghapon. Ugaliing uminon ng 1 o 2 basong tubig bago kumain. Mabubusog ka at papayat ka pa.

2. Huwag pigilin ang pag-ihi.

3. Pagkatapos umihis, maghugas ng puwerta.

4. Pagkatapos dumumi, dapat ding turuan ang mga babae na magpunas ng tissue pataas sa puwit. Huwag magpunas ng dumi paharap at baka mapunta ang dumi sa puwerta ng babae. Ito ang isang dahilan ng UTI.

5. Pagkatapos mag-sex, piliting umihi ng isang beses. Huwag muna matutulog at baka umakyat ang impeksyon sa iyong pantog. Ang tawag ng doctor dito ay Cystitis.

6. Walang masama sa pag-inom ng buco juice o cranberry juice.
Hindi mahal ang magpakonsulta. Sana ay makumbinsi natin ang mga mahal natin sa buhay na alagaan ang kanilang mga sarili.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy