#ImpeachVP bubuhayin sa pagbabalik ng Kongreso

By

Tila walang plano ang mga kritiko ni Vice President Leni Robredo na tantanan ito sa impeachment dahil posibleng may isasampang panibagong reklamo sa pagbubukas ng Kongreso.

Sa isang radio interview kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles, sinabi nito na may usap-usapan na may dalawa pang grupo na magsasampa ng impeachment complaint laban kay Robredo.

“Maaaring merong pangatlo o pang-apat o pang lima na maipa-file at hindi ko alam kung sinong nagpa-plano nito. Pero kung merong maipa-file yan, meron nang endorser yan,” ani Nograles.

Ang unang dalawang impeachment complaint laban kay Robredo ay isinampa ng grupo ni Atty. Trixie Angeles at grupo ni Atty. Oliver Lozano, pero hindi ito umusad dahil walang endorser.

Laman ng reklamo ang betrayal of public trust dahil sa video message ni Robredo sa United Nation (UN) kaugnay sa giyera kontra ilegal na droga at ang rebelasyon patungkol sa “palit ulo scheme” sa ilalim ng kampanyang Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).

Kasama si Nograles sa inilapitan ng grupo ni Angeles para iendorso ang nasabing reklamo subalit hindi niya ito tinanggap.

Ang rekamo naman ni Lozano ay ibinigay sa opisina ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot” Alvarez subalit hindi inaksyunan.

“Sa tingin ko mga Agosto yan. Mga agosto siguro yan mas klaro kung meron ba talagang mga moves sa matter na yan. Pero hindi ko pa talaga ma-confirm yan,” wika ni Nograles.

SHARE