Una sa Balita

Imee sa DOF: Huwag magkuripot, P500B idagdag sa emergency budget

0 389

Dapat tiyakin ng gobyerno na may iba pang mapagkukunang pondo bilang suportang pinansiyal sa mga mahihirap para maiwasan ang anumang kaguluhan, sakaling ma-extend pa ang lockdown matapos ang Abril 30, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sabi ng senadora, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, tinatayang nasa P550-Billion pa ang maaaring maidagdag sa kasalukuyang P200-bilyong emergency budget na ginagamit ngayong cash aid.

Ani Marcos, dapat kumilos agad ang Department of Finance sa pagkuha ng mga loan at samantalahin ang pagkakataong may mababang interest rates ang mga bangko dahil posible pang tumagal ng ilang buwan ang krisis sa COVID-19.

“Hindi economic target ang dapat hinahabol natin ngayon kundi buhay ng tao. Bakit kasi nagkukuripot ang DOF kung marami naman ang pwedeng pagkunan ng pondo?” sambit ng mambabatas.

Ayon pa kay Marcos, maarai naman mangutang ang DOF na aabot sa P440-Billion, halaga na pasok pa rin sa ‘manageable debt ceiling na 5.4%’ mula sa kasalukuyang 3.2-percent na minimintina ng gobyerno.

Maliban dito,puwede rin magamit na karagdagang pondo ang hindi nagamit na pera mula sa 2019 national budget, calamity at contingency funds ng bawat ahensya at departamento ng pamahalaan tulad ng Pagcor, PCSO, PhilHealth, at Office of the President.

Sabi pa ni Marcos, posible pang tumaas ang bilang ng mga magpo-positibo sa COVID-19, lalo’t sisimulan na ng Department of Health ang mass testing at pagbabantay sa progreso nito.

“Ngayong Abril pa lang natin malalaman kung ano ang totoong sitwasyon, lalo na ang mga kasong hindi naitala dahil sa dating kakulangan ng mga test kit. Hindi imposible na aabot ng May or June ang lockdown para sa kapakanan ng lahat,” giit pa ng senadora. (Dindo Matining)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More