IMEE MARCOS IPAAARESTO NG KAMARA

By

Nagbanta ang Kamara na mapipilitan silang ipaaresto si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kung patuloy nitong iisnabin ang subpoena ng House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa iniimbestigahang anomalya sa P66.45 million tobacco excise tax fund na ginamit sa pagbili ng mga sasakyan noong 2011 at 2012.

Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, chairman ng komite, baka magaya si Marcos sa sinapit noon ni Ronnie Dayan na ipinaaresto ng Kamara dahil sa paulit-ulit na pag-isnab sa imbestigasyon ng House Committee on Justice.

Mapipilitan umano silang gamitin ang kapangyarihan ng Kongreso laban kay Marcos kung hindi pa rin ito sisipot sa regular committee hearing sa July 25.

“We do not want to embarrass the Governor. However, if she forces our hand, of course we are ready to do a Ronnie Dayan on her, in accordance with House rules,” giit ni Pimentel.

Napadalhan na umano ng subpoena at show cause order si Marcos para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat ma-cite in contempt sa hindi pagsipot sa pagdinig.

‘Ilocos 6’ bibigyan ng second chance sa Martes

Samantala, makakalaya na ang tinguriang ‘Ilocos 6’ sa Martes kung magsasabi ang mga ito ng totoo sa pagdinig hinggil sa ginastos na multi-milyong pisong pondo ng kapitolyo ng Ilocos Norte mula sa tobacco excise tax fund.

Ayon kay Pimentel, magkakaroon sila ng emergency hearing sa Martes, Hunyo 20, upang bigyan ng second chance ang Ilocos 6 na magsabi ng katotohanan sa P66.45 million tobacco excise tax fund anomaly na ginamit sa pagbili ng mga multicabs noong 2011 at 2012.

“We will set them free right away, once they decide to tell the truth about the anomaly. We are really hoping they will change their minds by Tuesday, both for their sake and for the sake of public interest,” ani Pimentel.

Kabilang sa Ilocos 6 sina Ilocos Norte treasurer Josephine Calajate, accountant Edna Batulayan, budget officer Evangeline Tabulog, bids and awards committee head Pedro Agcaoili at sina Genedine Jambaro at Encarnacion Gaor ng provincial treasurer’s office.


Nakakulong sa Kamara ang anim na opisyal mula pa noong Mayo 29 matapos silang patawan ng contempt.

SHARE