Imee ipinagdasal ng solon

By

Ipinahayag ng chairman ng House committee on good government and public accountability na ipinagdasal niya na dumalo si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon sa P66.45 milyong cash advances ng probinsya na ipinambili ng mga sasakyan.

“Pinagdadasal ko nga na um-attend siya ng hea­ring,” ani Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel upang personal aniyang makapagpaliwanag si Marcos hinggil sa iniimbestigahan ng komite na cash advance mula sa tobacco excise tax.

Sa Hulyo 25 ang susunod na pagdinig ng komite at nananalangin umano si Pimentel na magbago ang isip ni Marcos at dumalo dahil napadalhan na rin naman ito ng subpoena.

Noong nakaraang linggo ay sa media sa halip na sa Kongreso humarap si Marcos kung saan binakbakan nito ang patuloy na pagdetine ng Kamara sa anim na lokal na opisyales ng Ilocos Norte na tinaguriang “Ilocos 6” kaya apektado na umano ang kanilang probinsya dahil mga finance officers ang mga ito.

Itinanggi din ni Marcos na may nilabag siyang batas sa pagbili ng mga sasakyan gamit ang tobacco excise tax dahil ito umano ang hiniling ng kanyang mga constituents na nagtatabako, bagay na kinontra ni Pimentel sa pagsasabing paano na ang mga magsasaka na dapat doon napunta ang pondo na galing sa tobacco excise tax. 

SHARE