Una sa Balita

Imee, Ilocos Norte execs ibabaon sa kaso

0 1,374

INIREKOMENDA ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administra­tibo laban sa mga opis­yal ng Ilocos Norte.

May kinalaman ito sa diumano’y hindi wastong paggamit ng P66.45M halaga ng nakolektang tobacco excise tax.

Kahapon ay inilabas ng Kamara ang Committee Report No. 638 na nagrerekomendang kasuhan ang mga provincial official ng Ilocos Norte.
Base sa report ng House Committee on Good Government and Public Accountability, bumili ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte ng sampung Foton minicab at hinugot ang pondo para rito mula sa nakolektang buwis sa tabako.

Sinasabing iregular at iligal umano ang gina­wang pagbili ng sasak­yan ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte.

Paglabag diumano ito sa Republic Act 7171 o batas patungkol sa paggugol ng tobacco excise tax, Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act at Republic Act 7160 o Local Government Code.

Hindi tinukoy sa report kung sino-sino ang partikular na pinakakasuhan pero ang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na si Imee Marcos ang kasaluku­yang gobernador ng Ilocos Norte.

“The filing of the appropriate administrative and criminal cases against government officials and employees involved in the purchase of the vehicles, in violation of R.A. No. 7171, R.A. No. 9184, R.A. No. 7160, R.A. No. 4136 and COA Circular No. 92-382 dated July 3, 1992,” nakasaad sa rekomendasyon.

“The filing of the appropriate administrative and criminal cases against government officials and employees, including private individuals, involved in the highly irregular and illegal purchase of the subject motor vehicles under the Revised Penal Code and the Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” dagdag pa doon.