Una sa Balita

Imbestigasyon sa SEA Games walang sasantuhin

0 526

TINIYAK ng Malacañang na walang sasantuhin sa gaga­wing imbestigasyon ng Malacañang sa mga naging sablay o kapalpakan ng mga organizer sa South East Asian (SEA) Games, kasama na rito si House Speaker Alan Peter Cayetano kahit pa kaibigan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng ilalargang imbestigasyon ng Office of the President (OP) para mabatid kung may mga naging pagkukulang ang organizers at kung mayroong dapat na maparusahan sa nangyari umanong kapalpakan bago magsimula ang SEA games.

Ayon kay Panelo, walang magiging sacred cow dahil kilala si pangulong Duterte na hindi pinapalampas ang mga ganitong isyu kapag napatunayang mayroong iregularidad at nagpabaya.

Kilala aniya ang Presidente na kahit kaibigan pa ang isang opisyal kung may basehan ang mga akusasyon ay isinisibak niya ang mga ito sa puwesto.

“There is no sacred cow in this government. We’ve been repea­tedly saying that those who transgress to law will be accountable,” ani Panelo.

Kaugnay naman sa pag-aala­ngan ng Kamara na imbestiga­han ang mga sablay sa SEA Games dahil si House Speaker Alan Ca­yetano ang pinuno ng Philippine Southeast Asian Games Organi­zing Committee (Phisgoc), sinabi ni Panelo na maaari namang mag-inhibit ito at ipaubaya ang pagbusisi sa kanyang mga deputy speaker.

Sinabi pa ng kalihim na nasa desisyon na ni Cayetano kung mag-i-inhibit ito sakaling magpasya ang Kamara na mag-imbestiga sa mga kontrobersiyang lumutang kaugnay sa SEA games. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More