Una sa Balita

Imbes na makatulong, perwisyo

0 339

Ma’am Kaye,

Magandang araw po sa inyo. Ako po ay isang OFW at nasa ibang bansa at nagtatrabaho. Nabasa ko po sa isang column niyo ang tungkol sa mga abusadong traffic enforcer na imbis na makatulong sa kapwa ay sila pa ang nagbibigay problema.

Ibig ko lang po iba­hagi ang aking dala­wang karanasan sa da­lawang insidente na ako ay lumuwas dala ang aking sasakyan para asikasuhin ang aking mga papeles para sa aking pag-alis.

Una po, ilang buwan na pong nakakaraan ay nu’ng papunta po ako DFA sa may Roxas Boulevard para magpa-extend ng aking passport kasi po aalis na ako next day kaya extension lang kailangan ko, hapon na po ‘yun nang sabihin ng aking agency na mag-extend kasi ‘di na aabot kung mag-renew ako, kaya mga 4pm po ‘yun nagmamadali ako papuntang DFA. Nang liliko na po ako pakaliwa galing Buendia sa may world trade center, nakita ko po na green pa ang stoplight kasama ko pa po ang aking misis. Nakita rin niya noong nakaliko po ako, bigla akong pinara ng traffic enforcer at sinabing bea­ting the red light po ako, sabi pa po niya “Sir pula na takbo pa kayo.” Sa totoo lang ma’am green pa ‘yun at tsaka kung mag-yellow pa ilang segundo lang ‘di na ako aabutin ng red. Ang nahalata po namin, tinitingnan po nila ang plate number ko, pag-alam niyang provincial plate number huhulihin agad at magbibigay agad ng violation. Ayaw ko na po makipagtalo kasi hinahabol ko po na makara­ting sa DFA sa tamang oras pero po kung may oras ako makikipagtalo ako ewan ko lang po kung saan kami abutin kasi nasa tama po ako. Ang unang sabi sa akin lisensya, ibinigay ko po agad tapos ‘yun titiketan agad ako at sasabihin ang presyo ng penalty na babayaran po, palibhasa po taga-probinsya po ako ‘di ko alam kung saan ‘yun, ang alam ko lang po ay opisina at pauwi sa aming probinsya. Nagpaliwang po ako pero parang bingi sila basta bayaran ko raw at may porsyento raw sila sa aking iba­bayad, kaya naisip kong itanong kung magkano ang porsyento nila at ibibigay ko nalang sa kanila kasi kailangan ko nang makahabol sa office time sa DFA. Sa makatuwid po sinabi niya na 500 pesos, porsyento nila sa pe­nalty ko kaya ‘yun po ibinigay ko na para makaalis na ako at ‘yun ibinigay po nila ang aking lisensya, pero sa totoo po gigil na gigil ako sa kanila. Pinipigil lang po ako ng misis ko.

Related Posts

Pangalawa pong insidente nitong last week lang na paalis ako. Flight ko po ay 1:30 nang madaling-araw kaya mga 10pm po nasa kahabaan po kami ng Buendia bale po ang nag-drive ay ‘yung anak ko, dahil sa pagod po nasa likod lang ako kasama ang misis ko at isa kong ba­yaw. Nang dumaan na po kami sa overpass sa may Roxas Boulevard pasensya na po kayo ‘di ko kabisado street nun pero overpass po ‘yun, may tatlong nakamotor na traffic enforcer po at biglang pinara naman po kami pinatabi po kami, tapos may sinabing violation sumunod daw po kami sa mag-u-u-turn, sa totoo lang po ay 10pm ay maluwag na ang daloy ng sasakyan at wala naman po ka­ming naag­rabyado na sasakyan, ‘di naman po kami nakasanhi ng trapik, ay ewan ko po kung bakit kami nagkaroon ng violation.

Ganito po ba talaga mga traffic enforcer natin ngayon na imbes makatulong ay nagbibigay ng perwisyo pa lalo na sa aming mga taga-probinsya, na target nila para magkapera?

Sana po ay matulungan niyo po ako kasama ng mga taga-probinsya na nagdadala ng sasakyan na mainit sa mata ng mga traffic enforcer na ito. Sa susunod po ‘di ko na alam kung anong gagawin ko baka makalimot po ako at makasapak o makasuntok na ako ng traffic enforcer sa kanilang inaasal. Sana po mawala na ang mga ganitong tao na ina­abuso ang kanilang posisyon. Kung ano pong maganda kayo na po ang bahala kung ipadala niyo itong liham ko sa pinakamataas na traffic enforcer o kaninuman para malaman po naman nila ang aming hinaing. Mga provincial plate number na laging nabibiktima ng mga abusadong traffic enforcers.
Maraming salamat Po!
Fernan

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy