Una sa Balita

Imbakan ng shabu sa Muntinlupa condo ni-raid

By
0 1,290

UMAABOT sa P5 milyong halaga ng shabu ang nakuha ng Drug Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP-DEG) sa isinagawang raid sa umano’y imbakan ng iligal na droga ng isang Chinese drug syndicate kahapon ng madaling-araw sa Alabang, Muntinlupa City.

Kahapon ay iprinisenta ni PNP chief Director Oscar Albayalde sa Camp Crame ang apat na malala­king plastic na naglalaman ng shabu na may halagang P5 milyon matapos ang isinagawang raid sa Unit 323 Rhapsody Residences sa Bara­ngay Buli sa Muntinlupa City.

Ayon naman kay Chief Supt. ­Albert Ignatius Ferro, hepe ng DEG, ang pagsalakay sa nabatid na lugar ay bunga ng pagkakaaresto sa isang Chinese national sa Makati City at 3 Filipino sa Alabang nitong nakaraang linggo.

Napag-alaman na sinalakay ang nasabing condominium unit sa bisa ng search warrant ng korte subalit walang taong naabutan sa nabatid na lugar.

Sa ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad ang umano’y lider ng drug syndicate na si Lee Hong Ping, na siya rin umanong may-ari ng nasabing unit.

Napag-alaman pa sa pulisya na si Ping ay una nang nahuli ng pulisya noong Enero 29, 2012 sa isang buy-bust operation kung saan nakuhanan ito ng 20 kilo ng shabu.

Subalit dahil sa teknikalidad ay nakuhang makapagpiyansa ng suspek kaya pansamantala itong nakalaya at nakapagpatuloy ng kanyang iligal na negosyo.

Inatasan ni Albayalde ang mga pulis na siguraduhin ang pagsasampa ng kaso lalo na sa mga Chinese drug lord at iba pang high value target lalo na sa mga buy-bust operation para hindi magkaroon ng teknikalidad pagdating sa korte.

“We have to make our cases airtight. In any cases sa buy-bust operation especially totoo ‘yan there are some technicalities na pwede ibutas sa atin kaya it’s really very important that when we file a case it should be airtight pero hindi natin alam kung ano talaga ang naging decision dito ng mga judge,” pahayag ni Albayalde.

Dagdag pa nito na kahit ilang beses pa umanong makapagpiyansa ang isang drug lord ay hahabulin pa rin siya ng pulisya at ibabalik sa kulu­ngan.