Una sa Balita

Illegal jumper ng kuryente sa Caloocan, Malabon, Valenzuela susuyurin

By
0 877

HINDI lang mga wanted sa batas, mga kriminal at drug personality ang hina­hanting ngayon ng pamunuan ng Northern Police District (NPD) kundi maging ang mga gumagamit ng illegal jumper ng kuryente sa buong northern Metro area.

Ito ang direktiba ni NPD Director Chief Supt. Gregorio Lim, matapos masamsam ng kanyang mga tauhan ang may 141 kilo ng wire na gamit sa paglalagay ng jumper ng kuryente sa raid na isinagawa sa mga lugar ng Caloocan at Malabon City, noong Miyerkoles nang umaga.

Karamihan sa mga nasamsam na wire ay mga telephone wire na karaniwang ginagamit sa pagkakabit ng iligal na koneksiyon ng kur­yente.

Tiniyak ng opisyal na kakasuhan nito ng ‘Pilferage’ of RA 7832 ang sinumang mahuli sa akto na naka-jumper.

Sinabi pa ni Director Lim na ang iligal na koneksiyon ng kur­yente ang pangunahing­ pinagmumulan ng sunog dahil ang ginagamit na telephone wire ay madaling mag-init at magliyab sa sobrang dami ng gumagamit.

Kamakailan, aabot sa 400 kabahayan ang nasunog sa Brgy. Tonsuya na ang sinasabing dahilan ay jumper.

“Kawawa naman ang mga nagbabayad ng legal kasi sa kuntador nila pumapasok ang kinukunsumo ng mga iligal na kuryente,” ayon kay Lim.

Lumalabas kasi na binabayaran ng mga may legal na kuntador ang mga illegal connection dahil ikinakarga ito sa buwanang bayarin sa pamamagitan ng ‘system lost’ na nakalagay sa resibo ng Meralco.

Nabatid na walang pakundangan sa paggamit ng kuryente ang mga may jumper dahil bukod sa kalan de kur­yente ang gamit sa pag­luluto, naka-aircon pa ang iba sa kanila.

Dahil na rin sa dami ng gumagamit, nag-o-over-heat ang mga linya ng kuryente sa dahilang telephone wire lang ang kanilang gamit, dahil mas mura ito kaysa sa good wire, kaya nagkakasunog, lalo na sa mga squatters area.

Tinukoy ng opisyal ang mga lungsod na talamak ang jumper gaya ng Malabon, Caloocan at Valenzuela.