Una sa Balita

Illegal gambling hawak ng PNP — PCSO

By
0 174

Dismayado ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa hindi umano pagseseryoso ng Philippine National Police (PNP) upang matuldukan ang mga ilegal na sugal katulad ng jueteng at mga illegal color at number games na naglipana hindi lang sa probinsya kundi pati sa Kamaynilaan.

Base kasi sa nakalap na impormasyon ni PCSO General Manager Alexander Balutan, imbes na hulihin ang mga ilegal na sugalan ay tumatayong protektor pa umano ang ilang opisyal ng kapulisan at nakakatanggap pa ng weekly payola sa mga financier ng mga pasugalan bilang proteksyon para hindi mapasara ang mga ito.

Malaking kawalan ani­ya ang mga naglipanang ilegal na pasugalan sa kita ng mga legal na palaro ng PCSO katulad ng Small Town Lottery (STL) at lotto kung saan nakakatanggap din ang PNP ng 2.5 porsyento mula sa kabuuang kita ng ahensya.

Ito lang simula ng Ene­ro ng kasalukuyang taon ay nakatanggap na ang pamunuan ng PNP ng halagang P154 milyon mula sa PCSO.

“I am disappointed and dismayed by their performance, I had hoped that the PNP would stand true to their oath to implement President Rodrigo Duterte’s Executive Order No. 13,” ayon kay Balutan.

Base kasi sa Memorandum of Agreement ng dalawang ahensya, susugpuin ng PNP ang lahat ng klase ng ilegal na pasugalan katulad ng jueteng, lotteng, color at number games kapalit ng 2.5 porsyento mula sa kabuuang kita ng PCSO.

“Ang nangyayari, `yung maliliit lang gaya ng bet collector ang hinuhuli nila at hindi ang mga malalaking isda gaya ng illegal gambling financier. Kaya patuloy pa rin ang illegal na jueteng, masiao at iba pang uri ng illegal numbers game sa Maynila at iba pang mga lalawigan sa bansa,” pahayag ni Balutan. 

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More