Una sa Balita

Ilibre ang panonood at suspindihin ang klase sa SEA Games

0 388

Mas makabu­buting huwag nang pagbayarin ang mga Pilipino na nais na personal na manood ng mga laban ng ating atleta sa 30th Southeast Asian o SEA Games na gaganapin dito sa ating bansa.

Dahil ang Pilipinas ang nag-host ng SEA Games ay makabubu­ting mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng Pinoy na malayang mapanood ang lahat ng laban ng ating sariling pambatong atleta.

Sa ngayon ay nasa P1,000-P12,000 ang bayad sa tickets sa opening ceremonies ng SEA Games na idadaos sa Philippine Arena sa Sabado November 30, 2019.

At sa iba pang mga laro ay nasa P50 hanggang P800 ang bayad sa ticket para sa nagnanais na manood sa bawat event na sasabak ang ating mga atleta.

Kung may bayarin ay malabong dumagsa ang ating mga kababayan sa mga venue ng palaro dahil masyadong ma­laki ang gagastusin sa pamasahe at pagkain at magbabayad pa sa entrace.

Kung magiging lib­re ang entrace fee o tickets sa SEA Games para sa lahat ng mga Pilipino at hindi lang ang mga estudyante ay dadagsa ang mga Pinoy na magbibigay ng suporta sa ating atleta at tiyak na magagamit natin ang tinatawag na homecourt advantage na siyang magpapalakas ng loob at gana sa ating mga manlalaro.

Samantala ay ma­kabubuting aprubahan na sana ng Malacañang ang panukala ng DILG at PNP na suspindihin ang klase ng mga estudyante sa buong Metro Manila.

Inaasahan na makakatulong ito upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila upang malayang makakilos ang mga atleta.

Bukod dito ay mabibigyan din ng pagkakataon ang lahat ng mga estud­yante na pangunahan ang pagtungo sa mga venue ng palaro para suportahan ang mga atletang Pinoy upang makahakot ng maraming gintong medalya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More