Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ilaw ng ating lipunan

0 110

Isa sa pinakamahalagang okasyon sa buwan ng Mayo ay ang selebrasyon ng Mother’s Day bilang pagpupugay sa lahat ng mga ina.

Kahit saan mang panig ng mundo ay ipinagdiriwang ang mahalagang araw na ito bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga ina sa kanilang pamilya at sa kanilang kontribusyon sa lipunan.

Hindi lamang ilaw ng tahanan ang mga nanay na nag-aaalaga ng mga anak, kundi katuwang din sila ng mga kabiyak sa pagtataguyod sa kanilang pamilya.

Kaya naman pagdating ng kanilang natatanging araw ay sari-saring paraan ang ginagawa natin para ipakita ang pagkilala,pagmamahal at pagpupugay sa mga dakilang ina.

Isa po ako sa nagpapaabot ng mainit na pagbati ng “Happy Mother’s Day” sa lahat ng mga nanay sa espesyal na okasyong ito at nais ko pong iparating ang walang hanggang pasasalamat, paghanga at respeto para sa kanila.

Hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay at salapi ang walang katulad na sakripisyo ng mga ina, maging ang mga ito ay tunay na ina, ina-inahan o foster mother.

Sa kanila natin unang naramdaman at naranasan ang tunay na kaligayahan, katiwasayan at kulay ng buhay sa pamamagitan ng kanilang walang katulad na pagmamahal, hindi matawarang suporta at gabay.

Kaya naman sa okasyong ito, nais nating bigyang-diin ang kontribusyon ng lahat ng mga ina lalong-lalo na ang mga nagtatrabaho bilang frontliners na humaharap at sumasabak sa hamon ng COVID-19.

Kung tutuusin dalawa ang ginagampanang papel ngayon ng mga inang frontliners sa panahon ng pandemya dahil pagkatapos ng kanilang serbisyo sa publiko ay ang pagsisilbi naman sa pamilya ang kanilang inaasikaso.

At bilang frontliners, nariyan palagi ang nakaambang peligro ng COVID-19 na matapang nilang hinaharap sa kanilang paghahanapbuhay.

Kaya naman po sinusuklian ng gobyerno ang mga sakripisyong ito ng mga ina sa pamamagitan ng mga benepisyong laan lamang para sa kanila, gaya ng expanded maternity leave law.

Related Posts

Ang batas na ito ang iiwang pamana ng Duterte administration sa mga ina bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo sa pamilya at sa lipunan.

Sa ilalim po ng expanded maternity leave law ay magkakaroon ng mahabang oras at panahon ang ina para sa kanyang sanggol at mas maipaparamdam ang de kalidad na pagkalinga at pagmamahal sa unang tatlong buwan ng anak.

Sa mahabang panahon ay 30 araw lamang ang maternity leave ng mga manggagawang mga nanay, subalit sa ilalim ng Duterte administration ay nabago ito at ginawang 105 na araw matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act no. 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law.

Layon ng nabanggit na batas na mabigyan ng sapat na panahon ang mga bagong panganak na ina para palakasin ang kanilang pangangatawan at magampanan ng husto ang pagiging ina.

Kinikilala po ng Duterte administration ang hirap at sakripisyo ng mga mangaggawang ina kaya naman po kasama sa prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang karapatan ng mga kababaihan sa bansa.

Isa lamang iyan sa mga benepisyong ibinibigay ng gobyerno sa mga mangaggawang ina bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan at sa pag-angat ng bansa.

Huwag din nating kalimutan sa okasyong ito ang mga inang wala na sa mundong ito, bagkus ay bigyang-pugay natin ngayong Mother’s Day ang kanilang mga iniwang alaala kung paano tayo pinalaki, inaalagaan at hinubog bilang isang mabuting tao.

Panatilihin natin sa ating mga puso ang kanilang ipinunlang mga aral at pagmamahal bilang ina.

Sama-sama nating ipagdiwanang ang espesyal na okasyong ito ng ating mga ina at ipadama natin sa kanila ang ating walang hangganang pagmamahal at pasasalamat dahil kung hindi sa kanila ay wala sana tayo ngayon sa mundong ito.

Muli po, mula sa aking puso, binabati ko ang lahat ng mga ina ng isang ligtas at malusog na Mother’s Day celebration!

Happy Mother’s Day din sa aking Mama, minamahal na misis na si Alelee, mother-in-law, sa aking mga kapatid at sa mga kaibigang nanay!

Leave A Reply

Your email address will not be published.