Una sa Balita

Ilang US senator supalpal kay Digong

0 820

BINUWELTAHAN ng Malacañang ang ilang senador ng Estados Unidos dahil sa pakikialam sa panloob na isyu ng bansa partikular sa usapin sa Hudikatura.

Kasunod ito ng inilabas na resolusyon ng US senate Foreign Relations Committee na nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na ibasura ang mga kasong kinakaharap nina Senador Leila de Lima at Rappler CEO Maria Ressa alinsunod sa amended na Resolution 142 o Global Magnitsky Human Rights Accoutability Act.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na hindi tamang nanghihimasok ang ilang US se­nators sa mga isyu sa bansa dahil ang Pilipinas ay mayroong sariling judicial process.

Dumadaan aniya sa tamang proseso ang mga kaso nina De Lima at Ressa kaya walang dahilan para utusan ng mga dayuhang senador ang gob­yerno.

“Parang masyado na silang nakikialam sa atin. Hindi dapat nakikialam ang sino mang senador diyan sa Estados Unidos dahil sariling bansa ang Pilipinas at may sariling judicial process tayo,” ani Nograles.

Minaliit lang ng kalihim ang resolusyon na aniya ay sa committee level lang naman at hindi sinang-ayunan ng buong US Congress na pinalaki lang ng oposisyon sa bansa.

“Pag resolution naman ‘yan, hindi naman ‘yan ‘yung buong Kongreso talaga. Iilang mga senator lang ‘yan ng komite kaya hindi naman gano’n kabigat ‘yun,” dagdag ni Nograles.

Posible aniyang nagpapapansin lang ang ilang US senators para magpapogi sa mga Amerikano dahil malapit na ang kanilang eleksiyon kaya hindi ito papatulan ng Malacañang. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy