Una sa Balita

Ilang hakbang laban sa katiwalian inilunsad ng BOC

0 403

Sa hangad ng gobyerno na laba­nan ang matagal nang problema ng katiwalian lalo na sa Bureau of Customs (BOC), iba’t ibang prog­rama ang inilunsad sa ilalim ng system modernization.

Ilan sa mga proyekto sa ilalim ng system modernization plan ng ahensiya ay hindi lang naglala­yong mas mapabilis ang mga opis­yal na transaksiyon kundi maalis din ang korapsiyon.

Kabilang dito ang Goods Declaration Verification System, Docu­ment Tracking System at Customer Care Portal kung saan sa halip na personal follow up ang gagawin sa mga tanggapan ng BOC ay puwede na itong online o sa internet.

Ang ‘human interaction’ ang isa sa itinuturong malaking posibilidad ng korapsiyon at lagayan.

Ayon kay BOC Commissioner Leonardo Guerrero, kaila­ngang mabawasan at mawala ang oportunidad ng korapsiyon at ‘yun ang hinahabol nila ngayon.

Gayundin, magkakaugnay na ang mga transaksiyon kaya sa pamamagitan ng alert order, moni­toring system at national va­lue verification system ay makikita ang resolusyon sa mga alert order kung nababayaran ang mga kaukulang buwis sa kargamento.

Aminado rin ang komisyuner na hindi madaling mawakasan ang problema ng katiwalian sa ahensiya dahil kailangan pa rin masolusyonan ang ‘organizatio­nal culture’ na kasalukuyan niyang pinagtutuunan ng pansin.

Nabatid na nitong 2018 mayroong 61 kawani ng bureau ang kinasuhan ng administratibo, 3 ang nasibak at 4 ang nasuspinde. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy