Una sa Balita

Ilang cabinet member trabaho pa rin kahit inuubo na

0 281

NAGKAKASAKIT na ang ilang miyembro ng gabinete dahil sa walang tigil na trabaho para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino na Coronavirus Disease-19 o COVID-19.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa harap ng tuloy-tuloy na trabaho ng mga gabinete partikular ni Health Secretary Francisco Duque na siyang punong-abala para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Nawalan aniya ng boses si Secretary Duque dahil nagkaroon ito ng laryngitis subalit maayos na ang pakiramdam nito ngayon.

Bukod kay Duque ay nagkaroon din aniya ng ubo si National Security Adviser Hermogenes Esperon dahil sa panay-panay na pulong at pagod na rin sa trabaho.

Masama rin aniya ang pakiramdam nito nitong nakalipas na araw pero maayos na ngayon ang pakiramdam nito.

“Nagkaroon siya (Duque) ng problema, nagkaroon siya ng laryngitis, so nawalan siya ng boses pero nga­yon okay na. Marami sa Cabinet din iyong may ubo, pero ganoon nga, I’m okay na. Si Secretary Esperon ay may ubo iyon, pero nandoon siya sa Interagency Task Force, kailangan pumasok. Ganoon talaga kailangan nating magtrabaho,” ani Andanar.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang publiko na ingatan ang sarili para makaligtas sa coronavirus at palagiang uminom ng vitamin C para matiyak na mala­kas ang kanilang resistensiya at magkaroon ng mahabang tulog.

Kailangan din aniyang panatilihin ang pagiging malinis sa katawan at madalas na paghuhugas ng kamay para makaiwas sa anumang uri ng sakit hindi lamang sa COVID-19.

“Sa mga kababayan natin, paalala iyon nga, iyong vitamins kailangan talaga madalas tayong mag-load up ng vitamin C at matulog nang mahaba; kung kayang 8 hours, mas maganda 8 hours. Kailangan uminom ng maraming tubig – gaya ng binanggit mo, kailangang uminom ng vitamin C at kumain ng mga masustansiyang gulay, at of course iyong lifestyle kailangan healthy rin, iwasan iyong mapuyat. Pero ganoon pa rin, kailangan lang talaga balansehin iyong trabaho,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More