Una sa Balita

Ilang bata sumakit ang tiyan sa pekeng bigas

By
0 3

Iimbestigahan ng National Food Authority (NFA) ang hinihinalang pekeng bigas na nabili sa bayan ng General Ma­merto Natividad sa Nueva Ecija.

Una nang napaulat na may ilang menor de edad sa nabanggit na bayan ang nakaranas ng pana­nakit ng tiyan matapos umanong makakain ng kanin.

Ang bigas umano ay may kakaibang amoy na parang plastik. Ang isa sa mga residente ay binilog ang kanin at inihagis sa semento subalit hindi lahat ay tumalbog. Sinasabing peke ang bigas kung tatalbog kapag binilog ang kanin.

Itinanggi na ng tindahan ng bigas na malapit sa mga biktima na peke ang kanilang ibinibentang bigas.

Ayon kay Rebecca O­larte, ang tagapagsalita­ ng NFA, mahalagang maki­pag-ugnayan sa kanila ang mga residenteng­ nakabili ng umano’y pekeng bigas.

Pupuwede aniyang sadyain ang lokal na tanggapan ng NFA para makapagbigay ng sample ng bigas o ang mismong mga tauhan ng ahensya ang tutungo sa lugar para masuri at matunton kung saan ito nagmula.

Gayunman, naninindigan ang NFA na wala pang nakukumpirmang pekeng bigas sa bansa mula noong 2015. Normal din umanong tumatalbog ang bigas kapag binilog dahil sa mataas na starch content o harina.