Una sa Balita

Ilado

0 650

Habang isinusulat ko ito, binabalasa ng bagyong ‘Tisoy’ ang lugar namin dito sa Quezon. Ma­lakas ang dalang ulan ng bagyong nananalasa ngayon sa bahaging ito ng Luzon. Signal number 3 kami. Brownout. Ang ginagamit ko ay ang natitirang baterya ng aking laptop.

Habang isinusulat ko ito, hindi ko alam ang lawak ng pinsala ng kalamidad. Ano’t anuman ang mangyari, tayo sana ay magtulungan.

Kasalukuyang nagaganap ang SEA Games pero hindi nakapagtatakang kinansela ang mga laro dahil sa lakas ng hangin at ulang dala ng bagyo. Para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Buweno,matapos kong masigurong ligtas ang aking pamilya at wala naman kaming dahilan para lumabas pa ng bahay, nagdesis­yon akong magsulat ng kolum. Ang paksa, may kinalaman sa dulot ng kalamidad gaya ng bagyo, ang mga pagkaing ilado.

Kapag ganitong bagyo at brownout, kailangang alisin ang laman ng refrigirator. Masisira ang mga karne, kailangang iluto agad. Ang mga isda, kung hindi rin lang mailuluto agad, kailangang nakababad sa yelo, kailangang ilado.

Noong bata pa ako’t nasa elementarya sa Valenzuela, madalas kong marinig sa aking ina ang salitang ilado kapag namamalengke ka­ming dalawa. Ilado ang hindi na sariwang isda. Nagamit ko na rin ang salitang ‘ilado’ sa mangi­lan-ngilang isinulat ko bilang kasingkahulugan ng, well, hindi na sariwa. Gaya halimbawa ng iladong balita.

Noong nasa kolehiyo na lamang ako saka ko nalamang ang salitang ‘ilado’ pala, sabi nga sa sociolinguistics, ay loanword natin buhat sa Español na helado o iced. Niyeluhan para manatili ang kung anumang kasariwaan pang natitira. Totoo, hindi ba’t niyeyeluhan ng mga mangingisda ang kanilang huli hanggang maibenta sa palengke?

Makikita natin ang mga banyera, ang gawa sa lata o yerong hugis batya na lalagyan ng isda sa palengke, na puno ng yelo, at sa ilalim nito, ang isda. Mayroon din namang isdang malalakas pa, hindi kaagad namamatay tulad ng plapla o tilapya na puwedeng mabili nang buhay. Hindi na kailangang lagyan ng yelo.

Pero marami sa mga isdang galing sa dagat ang kailangang buhusan agad ng yelo para mapanatili ang kasariwaan. Ilado, o may yelo. Pero ito palang salitang ‘yelo’ ay hindi rin sa atin nagmula! Salitang Español na ‘hielo’. Wala pa akong nababalitaang pantumbas natin ng ice o snow dahil wala sa ating kalikasan ang magkaroon nito kaya walang salitang masasabing nagmula sa atin talaga.

Isinasalin natin ang snow at ice bilang niyebe at yelo. Parehong buhat sa Español, na dahil sa pagbabago ng baybay ay para na rin nating inangkin. Ganito kasi ang kalikasan ng wika, nakaugat din sa heograpiya, sa mismong lupa kung saan ginagamit ang wikang ito.

Kaya marami kaming tawag sa uri ng buko dito sa Lucban: Niyog, gango, malauhog, murà, at iba pa. Sigurado akong sa ibang lalawigan, may iba pang tawag sa uri ng niyog na matatagpuan sa kanila. Samantala, sa mga bansang hindi endemic ang niyog, coconut lang marahil ang tawag nila dito.
Sa mga ganitong pagkakataong nagtitipid ako ng baterya, magandang balikan kung paano umiiral sa ating kultura ang mga salita.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy