Una sa Balita

Ika-4 ginto nadale ni Didal

By
0 770

PALEMBANG — Ginawang sariling palaruan ni Margielyn Arda Didal ang Jakabaring Sports City Skatepark Stadium, kinopo ang unang gold medal sa lungsod na ito ng Sumatra Province at pang-4 para sa mga Pinoy sa tagumpay sa 18th Asian Games skateboard women’s street, nagligtas sa ­napipintong pagsemplang ng Pilipinas kahapon.

Dinomina ng 19-anyos, may taas na 5-talampakan, 1-pulgada, tubong Lahug, Cebu City at 1 sa 5 supling ng karpintero’t kwek-kwek vendor ang pitong oposisyon sa kagila-gilalas na laro sa kabuuan ng limang yugtong kompetisyon.

Pinamayagpagan niya ang mga trick niyang run 1-2 (6.7, 7.7 points), backside downslide on a rail (7.1) at 5050 backside 360 flip out (8.9) para sa 30.4 markers makalipas baklasin ang highest at lowest scores ng mga judge sa dalawa pang discipline.

    
Nagtamo rin ang aminadong tibo pero magandang dalaga ng pinakamataas na iskor sa backside downside on a rail sa 6.0 at ollie melon grab down the stairs na rito’y naka-3.7 siya, ang lowest score niya pero pangalawa pa rin sa 8 kalahok sa debut ng sport na ito rito at isa ring medal sport sa 32nd Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan sa taong 2020.

“Sobrang saya po, para sa mundo ito ng skateboarding at sa Pilipinas,” maluha-luhang bulalas ni Didal, na tumutulong sa kanyang ina sa pagtitinda ng kwek-kwek nang may makitang skateboarder at hiniram noong 12-anyos pa lang at naging simula ng kanyang pagkahilig sa sport.

“Ibinigay ko lang po ang lahat ng lakas ng isang Pinay,” hirit niya, dinagdag na alay niya ang tagumpay sa mga Pinoy. Pang-4 siyang Pinay na naka-gold, at sa LGBT.

Nanawagan din siya sa kinauukulan na suportahan ang sport upang marami pang maibigay na karangalan ang skateboarding para sa bansa. ­“Lahat po ng ito’y para sa inyo. Kung gusto po natin ng maraming medal dito, suportahan n’yo lang po kami.”