Una sa Balita

‘Ihulog mo na sa hagdan’

0 361

Itinatakda ng batas R.A. 9184, ang ‘Go­vernment Procurement Reform Act’ na igagawad ang anumang malaking kontrata ng gobyerno sa suplayer na may pinakamababang presyo matapos dumaan sa public bidding. Layunin ng ganitong sistema ang mapigilan ang graft and corruption – tulad ng overpri­cing at paggawad ng mga nakaupo sa puwesto ng mga kontrata ng gobyerno sa kanilang pinapaborang kontra­tista.

Ayaw ni Pang. Duterte sa public bidding para sa mga proyekto ng gobyerno. Kesyo nagi­ging dahilan daw ng pagkaantala ng mga proyekto at pinagmumulan ng kurakot. Pag-upo niya sa puwesto noong 2016, sa kanyang unang SONA, hiniling niya sa Kongreso na bigyan siya ng emergency powers para umano masolusyonan ang problema ng trapiko. Pinakatampok sa emergency powers na kanyang hiningi? Ano pa kundi exemption sa public bidding para sa mga proyektong imprastruktura. Hindi binigay ng nakaraang Kongreso ang kanyang hiling.

‘Di pa rin napigilan si Duterte. Noong 2018, inanunsiyo niya na iiwasan ng kanyang administrasyon ang public bidding. “So henceforth, all projects of the Philippines would be something like a ‘Swiss challenge,’” aniya. Sa Swiss challenge, manggagaling sa mga kontratista ang panukalang proyekto at mamimili ang gobyerno ng pinakamainam na panukala.

Sa kabilang banda, hindi tinatago ni Duterte ang hilig niya sa pagtalaga ng mga retiradong militar at pulis sa kanyang gabinete at bilang pinuno ng mga ahensiyang sibilyan. Masunurin daw kasi: “‘Pag sinabi mong ‘gawin mo yan,’ ginagawa talaga.” ‘Di raw tulad ng mga sibilyan: “Talagang dedebatehin ka ng mga gagong ‘yan.”

Related Posts

Kaya ‘pag inutos ni Duterte na walang bidding, ipatutupad ni hene­ral. Ganyan ang sinikap gawin ni dating Gen. Edgardo del Rosario ng Task Force Ba­ngon Marawi. Sa tulak ng Malacañang, pinilit niya ang modang Swiss challenge sa pamamagitan ng isang Joint Venture Agreement sa pagitan ng National Housing Authority at consortium ng 5 kontratistang Tsino para sa rehabilitasyon ng Marawi. Sa bandang huli, dineklarang iligal ang modang ito, dahilan ng patuloy na pagkaantala ng muling pagba­ngon ng Marawi na winasak ng mga bomba ni Duterte.

Kamakailan, nabalita ang puna ng Commission on Audit (COA) sa kontrobersyal na proyektong Kaliwa Dam, na pinopondohan ng pautang mula sa Tsina. Ayon sa COA, nagsagawa ang MWSS (ahensyang pinamumunuan ni dating Gen. Reynaldo Velasco) ng huwad na public bidding para igawad sa China Energy ang proyekto. Antemanong diskuwalipikado raw kasi ang dalawa pang kompanyang lumahok kuno sa bidding.

Kaya pala ayaw ni Duterte sa public bidding – para tiyak na mapunta ang mga kontrata sa pinapaborang korporasyong Tsino. At kaya pala ganito ang gusto niyang mangyari sa mga taga-COA: “Ihulog mo na sa hagdan.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy