Una sa Balita

Ihanda ang election honoraria ng mga teachers

0 322

13 araw na lang, halalan na! Sabik na ang lahat sa kanilang mga listahan ng ibobotong mga kandidatong panglokal at pangnasyunal na posisyon, maging ang ating gobyerno para sa pagtatagumpay ng makabuluhang araw na ito para sa ating bansa.

Ngayong napirmahan at nakahanda na ng ating Pangulo ang 2019 national budget, lubos nating hinihikayat ang Commission on Elections (Comelec) na makipagtulungan na sa Department of Education (DepEd) sa lalong madaling panahon upang masiguro na maibibigay ang sahod ng lahat ng mga public school teachers na maglalaan ng kanilang serbisyo bilang Board of Election Inspectors (BEI) sa eleksyon sa darating na Mayo 13. Dapat ay mayroon silang nakahanda na wasto at tiyak na listahan ng mga magtatrabaho sa eleksyon upang maging maayos at malinaw ang lahat.

Umaasa tayo na ang 2019 elections ay magiging kaiba sa mga nagdaang halalan kung saan hinarap ito ng iba’t ibang pagsubok at problema partikular na sa honorarium ng mga guro bilang BEI. Bawat eleksyon na lamang ay naririnig natin ang hinaing ng ating mga guro dahil sa delay ng release ng kanilang honoraria at travel allowance.

Base sa Election Service Reform Act (ESRA), mula P3,000 ay P6,000 na ang magiging sahod ng BEI chair, habang mula P3,000 ay P5,000 na ang matatanggap ngayon ng mga BEI members. Kasama sa kanilang natatanggap na benepisyo ay ang election-related na death insurance, legal at medical assistance at transportation allowance.

Matagal na ang hinintay ng ating mga guro ng kanilang suweldo mula sa matagal na pagkakaantala ng pagpapasa ng General Appropriations Act (GAA) para mai-release ang kanilang pasahod ngayong taon, kaya naman inaasahan natin na magiging pulido na ang proseso ngayon.

Tayo po ay nananawagan sa Comelec, sana ay maghanda na sila ngayon pa lamang upang maging maaga at maayos ang distribusyon ng honoraria at allowances ng ating mga guro at hindi na maulit pa ang problemang ito ngayong taon.

Sapat na ang mahirap na trabaho ng mga guro tuwing eleksyon, huwag na sanang madagdagan pa ang kanilang mabigat na dalahin at ibigay ang kung ano nararapat para sa kanila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy