Una sa Balita

Igalang ang institusyon

0 285

Mukhang naging seasonal na ang idinudulog na problema ng ating kababayan laban sa Department of Education (DepEd).

Mula nang mapasok ako sa pagme-media at sumabak sa public service shows ay idinadaing na ang malawakang kakulangan sa pasilidad sa mga pampublikong eskuwelahan.

Pero ilang dekada na ang nakakaraan ay ito pa rin ang naririnig nating isyu.

Hindi natin maintindihan ang walang kata­pusang angal ng ating mga kababayan sa kakapusan sa silid-aralan at iba pang pasilidad sa mga school gayung taun-taon ay isa ang DepEd sa may malaking inilalaang pondo ang gobyerno.

Sana naman ay maayos na ang mga problemang hinaharap ng mga guro, estudyante, magulang sa tuwing pagbabalik eskuwela.

Gamitin ng tama ang pondo ng DepEd nga­yon at sa mga susunod pang panahon.

***

Naglalaway talaga sa posisyon ang dalawang kandidato sa pagka-Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Alam niyo po ba ang latest tsika sa agawan sa liderato ng Kamara?

Ito daw ang bagong tsika, ito raw isang atat na maging Speaker ay may pinakalat ng text brigade sa mga kasamahan sa Kamara.

Pambubuking ng ilang kabaro sa Kamara ni atat maging Speaker isang meeting daw ang ipinapatawag ng kampo nito sa Hun­yo 30.

Isang mahalagang paksa umano ang tampok sa meeting at ito ay ang hatagan ng presyo sa boto ng mga mambabatas.

Ibig pong sabihin sa kabila ng bukingan na may nangyayaring vote buying ay hindi nagpaawat ang isa sa dalawang atat maging Speaker?

Sa mga naunang ulat ay mariing itinanggi ng dalawang kongresistang nakakaladkad sa isyu ng bilihan ng boto na sina Marinduque Rep. Lord Alan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez ang sitsit.

Dapat lamang nila abatan ang tsismis dahil malaking kasira­an ito sa kanila at sa mismong imahe ng Kamara.

Ako mismo ay hindi makapaniwala sa kalakarang ito kung totoo man.

Nakakagalit na makabalita ng ganitong kuwento ng lantaran at harapang vote buying na ginagawa sa mismong loob ng iginagalang na institusyon sa ating lipunan at mas masaklap ay mga inihalal nating mga mambabatas ang nakakaladkad.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy