Una sa Balita

Ibida ang kabataang Pinoy

0 353

Ngayon pong ika-12 ng Agosto ang itinakdang International Youth Day (IYD) ng United Nations (UN) General Assembly bilang taunang selebrasyon at pagkilala sa papel ng kabataan sa kaunlaran.

Tinatayang may 1.8 bilyong kabataang edad 10-24 sa buong mundo, talagang napakalaking puwersa para sa pagbabago. Subalit paano po kaya sila magiging ganap na instrumento ng pagbabago kung 262 milyon sa kanila ay out of school youth?

Dito sa ating bansa, 3.6 milyon o katumbas ng 9% ng aabot sa 39.2 milyong kabataang edad 6-24 ang hindi nakatuntong sa eskuwelahan.

Kaya’t nagagalak po tayo na ang napiling tema ng pagdiriwang ngayong IYD 2019 ay ‘Transforming Education’, dahil binibigyangdiin nito na dapat mas gawing dekalidad at accessible sa lahat ang edukasyon.

Malinaw po sa ating Konstitusyon na dapat pangalagaan ng estado ang karapatan ng lahat ng Pilipino sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon.

Talagang marami pa po tayong tatrabahuhin sa larangang ito lalo na po kung ang pag-uusapan ay ang hindi tugmang edukasyon at training sa pangangailangan ng mga industriya dahilan kung bakit nananati­ling mataas ang unemployment rate ng kabataan at marami sa kabataang employed ang nasa mga low-skilled occupation.

Naniniwala po tayo sa husay, pagkamalikhain, at katatagan ng kabataan pero tungkulin po natin, lalo na ang DepEd, TESDA at CHED na tiyaking may mga epektibong programa ang pamahalaan para maabot lahat sila at mapalawak ang mga choice nila sa buhay.

Bilang pangulo ng Kristiyanong Kabataan para sa Bayan (KKB) Movement at dating pinuno ng Senate Committee on Youth, nakita ko po kung gaano kalaki ang pangarap ng ating kabataan at ang marubdob nilang hangaring makatulong sa pag-usad ng ating bansa. Maihahalintulad ko po sila sa isang halamang nangangailangan ng sapat na tubig at liwanag para patuloy na lumago at mamunga.

Ipinapatupad na po ang isinulong nating ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’ na nagbibigay ng libreng tuition at miscellaneous fee sa kolehiyo at tech-voc, ang ‘Tulong-Trabaho Act’ at ang ‘First-Time Jobseekers Act’ subalit aminado po tayo na kailangang pagtuunan ng pansin ngayon ang mga pasilidad sa ating mga eskuwelahan, pag-aangat ng kasanayan ng ating mga guro, pagdadagdag ng mga guidance counselors at pagpapalawak ng mga on-the-job training para lalo nating maihanda ang kinabukasan ng ating kabataan.

Related Posts

Nananawagan din po tayo sa ating mga PESO at sa DOLE na patuloy silang gumawa ng hakbang para maiparating ang job vacancies sa mga first-time jobsee­kers at tulungan silang makapasok sa mga trabahong malapit sa kanilang pamilya.

Ibida po natin ang kabataang Pilipino, ang pag-asa at ang susi sa pag-asenso ng ating minamahal na bayan.

Happy International Youth Day!

Job Fair Schedule:

Trabaho Patrol Job Fair—Municipal Gymnasium—Manapla, Negros Occidental—August 12

60th Araw ng Ma­wab Job Fair—Mawab, Compostela Valley—August 13

LGU Cabangsalan Job Fair—Municipal Hall, Cabanglasan—August 14

(senatorjoelvilla­nueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy