Una sa Balita

Iba’t ibang seruhano

0 267

NGAYONG buwan ng Oktubre, hanggang Nobyembre, sunod-sunod ang mga iba’t ibang mga convention para sa mga doktor. Alam natin na matagal na panahon ang ipinupuhunan ng mga gustong magtapos ng medisina ngunit hindi natatapos ito sa pagkapasa ng board exam. Mapa-generalist o espesyalista, may kaukulang pangangailangan ang PRC or Professional Regulation Commission para makapag-renew ng kani-kanilang lisensya ang mga manggagamot. Ito ay ang CPD units o continuing professional development. Ito ay para makasiguro na updated ang professional sa pinakabagong prinsipyo, makina o materyales para mapaganda ang serbisyo sa kapwa, lalung-lalo na mga doktor. Kaya may mga convention na binubuo ang iba’t ibang mga medical na organization, para maibigay ito, mapa­lago ang kanilang mga miyembro at maging makabuluhan ang kanilang pagsasama.

Bagama’t lahat ng doktor ay dumadaan sa level na tinatawag na General Practitioner, ito ay ang unang angkat na nararating ng mga doktor matapos nilang pumasa ng board exam, marami sa kanila and patuloy na nag-aaral at nagsasanay upang makapag-specialize. Ito ay para mas lalo nilang mabigyan ng pokus ang ­sakit at karamdaman ng kanilang mga pasyante. Isa rito ang surgery.

Alam nating lahat na ang specialization ng inyong lingkod ay orthopaedics – ang sangay na tumitingin sa buto at muscles ng tao. Ngunit ang specialty na surgery ay may iba’t ibang pang ­sangay. Ito ay ang cardiothoracic (sa puso at baga), colo-rectal (sa malaking bituka), general surgery (sa pangkalahatan, mga bukol, pati na sa breast, thyroid at iba’t ibang parte ng tao), obstetrics and gynecology (sa buntis at problema ng matres), neurosurgery (sa utak), ophthalmology (sa mata), oral and maxillofacial (sa bibig at panga), , otorhinolaryngology-head and neck (sa tenga, ilong, lalamuan), pediatric surgery (sa mga sanggol at bata), plastic and reconstructive (sa pagayos ng mga nasirang mga parte ng katawan), cosmetics and aesthetics (pampaganda),urology (sa daanan ng ihi), at vascular surgery (sa mga ugat, pati na ang transplants). Makakatulong na alam natin ang mga ito upang malaman natin kung anong spesyalista ang kailangan nating puntahan, depende sa ating nararamdaman.

Mabuti rin na malaman natin na mahalaga sa mga ­doktor ang pagiging miyembro ng mga organisasyon na siyang ­tumutulong para madagdagan ang kanilang kaalaman. Ang isa sa mga organization na ito ay ang International College of Surgeons o ICS. Ito ay itinatag noong 1935 sa Geneva, Switzerland ni Dr. Max Thorek. Isa siyang seruhano mula sa bansang Hungary na may pangitain na maidala sa iba’t ibang bansa at magkaisa ang mga seruhano. Ang headquarters nito ay nasa may Lake Michigan sa Chicago at may iba’t ibang federations. Kabilang dito ang Africa, Asia, European, Latin American, North American, Pacific. Dito sa atin sa ­Pilipinas, ay may ICS-Philippine Section. Itinatag noong 1948 ni Dr. Gumersindo Garcia Sr. at si Dr. Baldomero Roxas ang unang naging pangulo nito.

Hanggang sa susunod na Martes!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy