Una sa Balita

Ibalik ang dignidad

0 403

Simple lang ang sinabi ng Pangulo sa bagong kalihim ng Department of Justice: ibalik ang dignidad ng kagawaran at gawin kung ano ang tama.

Inupo si Justice Secretary Menardo Guevarra sa DOJ sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng kagawaran. Malalaking kaso ang isyu ngayon sa DOJ at ito ang kanyang mamanahin mula kay dating Secretary Vitaliano Aguirre II.

Napakahalagang maibalik hindi lamang ang pagtitiwala ng Pangulo sa DOJ kundi, higit sa lahat ay ng taumbayan na saksi sa mga sunod-sunod na kontrobersiyang kinasangkutan ng kagawaran.

Abante Hiring – IT dep

Kailangan ng isang mamumuno sa DOJ na malinis ang kartada. May tiwala ang Pangulo at makakaasa ang mga tao na ipatutupad ang hustisya ng walang kinikilingan. Isang pinuno na magtatrabaho sa DOJ upang maipatupad ang batas nang patas.

Importante rin na maibalik ang kumpiyansa ng iba pang mga opisyal at kawani ng DOJ na hindi man aminin ay posibleng naapektuhan sa sunod-sunod na kontrobersiyang kinasangkutan ng kanilang kagawaran.

Hindi naman kinakailangan na masalita ang isang kalihim. Ang mahalaga ay ginagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin sa pamahalaan at sambayanan.