Una sa Balita

Ibalik ang Bottom-Up Budget

0 267

Ipinababasura na ni dating DILG secretary Mar Roxas ang pork barrel system dahil ito umano ang ugat ng katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.

Sa kanyang pakikipagdayalogo sa publiko sa Antipolo, Rizal, tahasang sinabi ni Roxas na dati ring senador, hindi magandang naho-hostage ng mga mambabatas ang national budget dahil apektado nito ang mga proyekto at programa ng gobyerno.

“Hindi tamang nabibinbin ang mga proyekto ng gobyerno dahil sa usaping budget sa Senado. Lalo na ang dahilan ng delay ay ang pork barrel. Well, sinasabi naman na kakambal ng pork barrel ay ang katiwalian sa ating gobyerno. Kaya kung ako ang tatanungin, mas magandang tanggalin na lang ang pork barrel,” sabi pa ni Roxas na naging kongresista na rin.

Ayon kay Roxas, noon pang 2008 ay naghain na siya ng Senate Bill 2623 o Congressional Transparency Act na nagtatakda ng total transparency at detailed disclosure ng anumang amyenda sa national expenditure program para maiwasan ang katiwalian.

Sa ilalim ng panukalang ito ni Roxas, sasampa­han ng kasong kriminal, kasama na ang plunder, ang sinumang mambabatas na magpapasok ng sarili niyang alokasyon nang hindi nalalaman ng Kongreso.

“Pero hindi nakalusot ang aking panukala dahil nga ang tatamaan nito ay ang pork barrel system at ang mga pansariling interes ng ibang mambabatas,” sabi pa ni Roxas na kumakandidatong senador.

Sinabi pa ni Roxas na mas maganda ang Bottom-Up Budget o BUB sa halip na pork barrel dahil katuwang ang komunidad at ang civil society organizaiton sa pagtukoy kung anong proyekto ang mas kailangan ng publiko na dapat pondohan tulad ng ginawa niya noong DILG sercretary pa siya.