Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Iba ka Doc AJ!

0 54

NAKAKAMANGHA talaga ‘yung mga atleta natin na napagsasabay ang paglalaro at pag-aaral, o kaya naman ang paglalaro at pagtatrabaho.

Ganito ang reaksiyon ko nang makapanayam ko ang volleyball player na si AJ Pareja, Doc AJ pala! Yes mga ka-Abante, licensed doctor ang dating miyembro ng Ateneo Blue Eagles.

Kilala natin siya na mahusay sa paglalaro pero mas nakakabilib na nakaya niyang maging doktor habang naglalaro. Parang imposible pero kay Doc AJ, lahat posible.

Isipin nyo ‘yun, naglalaro siya nung kolehiyo eh natapos niya ang pre-med course niya sa loob ng apat na taon, ang galing ‘di ba? At sa ikalimang taon ng kanyang paglalaro, nasa 1st year na siya sa Med School. Grabe talaga! Ibang klase ang talino ni Doc AJ!

Pero mga ka-Abante, bukod sa talino, ibang klase ang pagmamahal niya sa sport. Pagod ka na physically pero laban pa rin sa pag-aaral. Ibang klase! Napatanong ako sa kanya, paano niya kinaya? Well, ganoon talaga kapag mahal mo ang karera na pinasok mo, kahit mahirap, hindi mo susukuan, hindi mo bibitawan.

Ngayon na doktor na si AJ, naglalaro pa rin siya. Kung titignan natin, mas aktibo siya ngayon. Nasa beach volleyball na si Doc AJ araw-araw makikita natin sa social media accounts niya ang pag-eensayo at pagpapakondisyon nito, idagdag mo pa rito ang trabaho niya. Ang galing niya magbalanse ng oras, ang galing niya in all aspects.

At sinigurado rin ni Doc AJ na sa beach volleyball na talaga siya magtatagal, kumbaga, sarado na ang pinto nito sa indoor. Nahanap niya ang tahanan niya sa sands. Nakilala natin si Doc AJ sa indoor pero sa beach volley pala siya talaga nakatakda.

‘Yung mga ganitong klase ng atleta, talagang dapat hangaan ang displina na meron sila. Dapat ibigay ‘yung respeto na nararapat para sa kanila dahil sa dedikasyon na meron sila, hindi natin sila dapat sinisino lang.

Sa naging kwentuhan namin ni Doc AJ, talagang hindi ko napansin ang oras. Masaya siya kausap at ang dami kong natutunan sa kanya. Hindi niya alam na unconsciously, nai-inspire niya ako. Isa ako sa mga naimpluwensiyahan niya na mas pahalagahan ko pa ‘yung bagay na meron ako ngayon, na mahalin ko pa lalo kung ano ang mga nararanasan ko ngayon. Iba ka, Doc AJ!

Muli, patuloy po ninyong suportahan ang Sportalakan. Salamat po at God bless!

Leave A Reply

Your email address will not be published.