Una sa Balita

Iba-blacklist kasi! Angkas tiklop sa DOTr

0 371

HUMINGI ng paumanhin ang Angkas sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ginawang pagbanat nila sa mga nabanggit na ahensiya matapos na ipataw ang cap sa bilang ng kanilang rider sa extended pilot test ng motorcycle taxi.

“Paumanhin na po sa mga nangyari,” sabi ni George Royeca na majority owner ng Angkas. “Please don’t take it as defiance.”

Ayon kay Royeca, malaking bagay kasi ang paglilimita sa riders ng Angkas sa 10,000 lamang dahil umaabot sa 200,000 ang demand para sa motorcycle taxis sa isang araw. Sabi niya, kahit bigyan ng LTFRB at ng DOTr ng tig-30,000 riders ang tatlong pinayagan nito sumailalim sa motorcycle taxi pilot study, kukulangin pa rin ito dahil ganoon kalaki ang pangangailangan ng mga pasahero.

Sabi ni Royeca, ang alinlangan ng Angkas sa paglilimita ng kanilang riders sa 10,000 ay mapamamahal nito ang pasahe na depende sa dami ng nagbo-book at sa dami ng available na riders. Ang 27,000 riders ng Angkas dati ay may regular na mga pasahero na nagbo-book sa app nito.

Pag binawasan ang riders, magmamahal ang pamasahe dahil hindi na ganoong karami ang mga rider na makakapagserbisyo sa kanilang mga pasahero. Sa economics, ito ang teorya ng demand and supply kung saan tumataas ang presyo ng isang bagay pag kumokonti ang suplay nito at ganoon pa rin kadami ang demand para rito.

Dahil may kanya-kanyang app ang mga motorcycle taxi, tukoy ang kanilang mga pasahero. Para sa mga bagong pasok lamang, mas kaunti pa lang ang kanilang pasahero kaya’t kaunti pa lang ang mag-aagawan sa kanilang serbisyo.

Sa panahon ng pilot run ng Angkas, naka-5 milyong biyahe na ito at isang milyon na ang nag-download ng app at 0.0003% lamang ang mga aksidente nito.

Sabi ni Royeca, tinigil na ng Angkas ang pamamasada sa General Santos at Cagayan de Oro ngunit nanawagan ito sa mga kinauukulan na magandang isama na rin ang mga lugar na ito sa pilot study dahil kailangan ng ganitong transportasyon sa buong bansa at hindi lang sa Metro Manila at Metro Cebu lalo na sa mga lugar na hindi kayang maabot ng mga four-wheeled vehicles.

Nauna rito ay nagbanta ang technical working group ng LTFRB na posibleng i-blacklist ang Angkas dahil sa pamamasada sa General Santos City at Cagayan de Oro na hindi sakop ng pilot test. (Eileen Mencias)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More