Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

IATF niluwagan travel ban sa mga Pinoy

0 63

Makakauwi na sa Pilipinas ang mga Pilipinong nasa mga bansang nilagay sa kategorya ng red list, o high risk sa COVID, na hindi na kailangang dumaan sa repatriation program ng gobyerno.

Inanunsiyo kahapon ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na nagpasya ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na payagang makauwi ang mga Pilipino mula sa mga bansang nasa red list basta sumunod lamang sa itinakdang protocol.

“Pinapayagan na ang inbound international travel of all persons coming from or who have been to red countries, jurisdictions and territories within the last 14 days prior to arrival to any port of the Philippines shall now be allowed,” ani Nograles.

Hindi na aniya kinakailangang maghintay ng bayanihan flight ang mga Pinoy na nasa mga bansang sakop ng red list basta nakatugon at nakasunod sa mga pamantayan para makapasok sa bansa.

“Para sa fully vaccinated coming from the red list countries, kailangan nilang magpakita ng negative RT-PCR test result taken within 48 hours prior to departure from country of origin. Pagdating ng Pilipinas kailangan nilang mag-facility based quarantine with an RT-PCR test taken on the 7th day with date of arrival being the first date,” wika ni Nograles.

Kapag negatibo sa RT-PCR test, sinabi ng kalihim na maaaring makalabas na ang mga ito sa facility quarantine subalit kailangang kumpletuhin ang home quarantine hanggang sa ika-14 na araw.

Para naman sa hindi bakunadong pasahero, o kaya ay partially vaccinated kailangang magpresenta ng negatibong RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 araw bago umalis mula sa bansang pinanggalingan at pagdating sa Pilipinas ay kailangang mag-quarantine at mag-RT PCR test sa ika-pitong araw.

Kabilang sa mga bansang nasa red list ay ang Antigua and Barbuda, Aruba, Canada, Curacao, Iceland, Malta, Mozambique, Puerto Rico,Saudi Arabia, Somalia, Spain at US Virgin Islands.

Magiging epektibo ang resolusyon ng IATF mula Enero 16 hanggang 31.

Nilinaw din ni Nograles na hindi kasama sa pagluwag ng travel ban ang mga foreign tourist.

“Tama po, hindi pa po natin binubuksan ang ating bansa to international tourists,” ani Nograles.(Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.