Una sa Balita

I-quarantine ang gagawa ng nCoV joke

0 507

Sa harap ng peligrong dala ng Novel­ Coronavirus, may ilang mga pasaway na gustong magpa-cute at magpasikat sa social media kaya gumagawa ng mga gimik tungkol sa naturang virus na mahigit 400 katao na ang pinatay.

Gaya na lang ng isang lalaki sa Legazpi City, Albay na may suot na face mask at bigla na lang kunong natumba sa daanan papasok ng isang mall at kunwa­ring nangisay pa. Kung akala niyang marami ang matatawa sa ginawa niya, inulan ng batikos mula sa mga netizen ang kumag.

Hindi nga naman katawa-tawa na ang ginawa ng mokong dahil habang isinusulat natin ito, libo-libong katao na ang infected sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at higit 900 na ang patay—na halos lahat ay nasa China, maliban sa isa na dito sa Pilipinas binawian ng buhay.

Alarm and scandal daw ang posibleng kaharapin ng kumag na pasaway sa Legazpi, pero kung ang mga tsokaran natin ang masusunod, dapat daw ay I-quarantine siya kasama ng iba pang suspected case ng coronavirus. Sa ganun paraan nga naman, malalaman niya na hindi biro ang isyu tungkol sa naturang virus.

Mantakin niyo kung gaano kalaking perwis­yo ang dulot ng virus, bukod sa marami ang naapektuhan ang hanapbuhay, aba’y nagtaasan bigla at ang presyo ng mga face mask at big­lang nagkaubusan pa. Pati nga raw rubbing alcohol at hand sanitizer eh pahirapan na ring makabili. Hindi ba dapat ngayong maging busy ang Department of Trade and Industry at isa-isahin ang mga tindahan na maaaring nagtatago ng kanilang produkto o nagbebenta ng higit sa tamang presyo?

Related Posts

Hindi naman natin masisisi ang mga tao na mag-astang ‘OA’ o nagpa-panic sa pagbili ng face mask dahil­ gusto lang naman siguro nilang makasiguro o maging feel safe. May ilan din na gustong ‘maki-uso’ sa pagta­takip ng mukha. Pero ingat lang mga tsong baka ang kasama niyo sa jeep o UV Express na nakatakip ang mukha eh holdaper o mandurukot pala.

Hindi rin naman tayo dapat magpakampante sa mga sinasabi ng ilang opisyal na mababa ang ‘mortality’ rate o ‘di matindi ang kamandag ng Novel Coranavirus dahil kakaunti lang daw ang namamatay. Aba’y kaunti pa ba sa kanila ang mahigit 400 na buhay? Hindi ba dapat katakutan ang bilis ng pagkalat nito sa China at umabot kaagad sa iba’t ibang bansa?

Kung mababa ang mortality rate sa ibang bansa, mukhang hindi ganun ang kaso sa Pilipinas, na sa dalawang kumpirmadong apek­tado ng virus (magsyotang dayuhan), isa na ang namatay. At nga­yon, dumami pa ang minamatyagan. Maaari kung sa ibang bansa ka nakitaan ng virus tulad ng Japan, baka mataas ang tiyansa mong mabuhay, pero dito sa Pilipinas, dahil sa iskor na 1-1, aba’y matindi-tinding dasal ang dapat mong gawin.May mga nagdududa na nga kung gaano tayo kahanda kapag biglang dumami ang kumpirmadong may nCoV.

Marami nga ang nataka kung bakit ang babaeng dayuhan ang unang inanunsyo ng DOH na nagpositibo sa virus, gayung ang nobyo niya pala ang mas malubha ang lagay pero mas huling nakumpirmang infected, hanggang sa namatay na nga. Papaano nga pala ang gagawin sa bangkay niya gayung may mga rekomendasyon na dapat eh inililibing o sunugin kaagad ang katawan nito?

Gayunpaman mga tsong, kung ipinagbabawal ang ‘bomb joke’ sa mga pampublikong lugar at may parusang nakalaan, dapat din sigurong ipagbawal at lagyan ng parusa ang ‘virus joke’. Maganda ring magsampol ang mga awtoridad ng makakasuhang negosyanteng magsasamantala sa ganitong mga sitwasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More