Una sa Balita

Huwag maging pasaway, manatili sa bahay

0 731

Nag-uwian sa Bicol ang marami nating kababayan bago pa man ipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon noong Marso 16, 2020. Sa pagtaya ng Bicol Interagency Task Force Covid-19, nasa 80,000 hanggang 100,000 taga-Metro Manila ang umuwi sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Catanduanes at Masbate.

Lahat sila, itinuturing ngayon bilang mga persons under monitoring o PUMs. Kinakailangan nilang mag-quarantine o manatili sa bahay sa loob ng 14 araw. Kaya naman pinatupad na ni DOH-Bicol regional director at IATF chair Dr. Ernie Vera ang full lockdown sa rehiyon.

Mahigpit na pinapatupad ang “no entry-no exit” policy sa mga Covid checkpoint, maliban sa mga exempted tulad ng mga magdedeliver ng produktong agrikultura, medisina at iba pang pangangailangan ng rehiyon. Sarado na rin ang mga pantalan sa lahat ng mga lalawigan sa Bicol.

Pakiusap ko sana sa ating mga kababayan, manatili sa bahay sa panahon ng quarantine period. Hindi mawawala ang problema sa pagkalat ng coronavirus kung magiging pasaway ang mga tao. Kung kinakailangang lumabas ng bahay para bumili ng pagkain o gamot, panatalihin ang social distancing at laging nakasuot ng face mask. Pagbalik ng bahay, magpahid ng alcohol o kaya ay maghugas ng kamay. Mas mabuti pa ngang maligo na lang para makasiguro sa kalinisan.

Hindi magtatagal ang problema ng coronavirus outbreak kung lahat tayo ay magtutulungan. Tingnan nyo ang bagong kaganapan ngayon sa Hubei province sa China na dating itinuturing na epicenter ng Covid-19. Sa loob ng ilang araw ay wala na silang naitalang bagong kaso ng local infection. Ang mga naitalang bagong kaso sa mainland China ay mga imported cases.

Ito ay dahil sa naging masunurin sila sa quarantine kung saan nanatili lang sa bahay ang mga tao sa loob ng halos dalawang buwan. Sa Abril 8, tatanggalin na nila ang lockdown sa Wuhan. Kaya nga lang, nakalulungkot na higit sa 3,000 ang namatay at 67,800 ang tinamaan ng coronavirus sa Wuhan.

Bilang inyong kinatawan, gumawa na ako ng hakbang para makatulong sa ating frontliner. Nagpadala na ang inyong lingkod sa pamamagitan ng Ako Bicol Partylist ng 300 litro ng alcohol at dalawang libong pares ng rubber gloves upang magamit ng mga health worker sa Bicol sa paglaban sa COVID-19. Sa pagkakaisa at pagtutulungan nating lahat, malalampasan din natin ang krisis dulot ng coronavirus.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More